SIYUDAD NG MALOLOS, Bulacan, Philippines—Maaari ng makabili ng mga inuming alak o hard drinks sa buong lalawigan ng Bulacan matapos na tanggalin na ni Gob. Daniel Fernando ang halos 2 buwan na liquor ban order nito.
Ang lifting ng liquor ban ay iniutos ng gobernador limang araw matapos na ibaba noong Mayo 15 sa lighter restriction na General Community Quarantine (GCQ) ang Bulacan kasama ang Rizal, Cavite at Laguna at National Capital Region na tinatawag na (NCR) Bubble Plus.
Nauna ring patuloy na ipinatupad ng gobernador ang Provincial Liquor Ban hanggang Mayo 31 sa pamamagitan ng Executive Order No. 19 na inilabas noong May 14.
Subalit sa ipinalabas ni Fernando na Executive Order No. 20 nitong Miyerkules, lifted na ang liquor ban order upang bigyan ng pagkakataon ang matinding naapektuhang liquor industry partikular ang mga maliliit na manggagawa nito dahil sa halos dalawang buwang pagtigil ng benta ng mga alak at iba pang nakalalasing na inumin sa buong lalawigan.
“Kailangan na rin silang mabigyan ng pagkakataong makapaghanapbuhay muli ng sa ganoon ay makapag-contribute muli sa ekonomiya ng bansa,” saad sa utos ng gobernador.
Mahigpit namang tagubilin ng nasabing executive order na nananatiling bawal ang pag-inom ng alak sa lahat ng commercial and public places bilang pagtalima sa no social gathering health protocol at mabibili lamang ang alak sa pagitan ng 8:00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon.
Nagsimula ang liquor ban sa Bulacan noong Marso 29-Abril 5 ng isailalim sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) ang Bulacan kasama ang Rizal, Cavite at Laguna at National Capital Region sa (NCR) Bubble Plus dahil sa muling pagtaas ng mga kaso ng COVID 19.