SAN MIGUEL, Bulacan–Natagpuan ang mga bangkay ng isang mag live-in na taga Quezon province na hinihinalang may mga tama ng baril sa iba’t ibang bahagi ng katawan sa ilang na lugar sa isang barangay sa bayang ito Linggo ng umaga.
Kinilala ng hepe ng pulisya ng San Miguel police station na si Col. Jayson San Pedro ang mga biktima na isang 47 anyos na lalaki at ka-live-in partner nito na 42 anyos na babae, kapwa taga Barangay Camagong, Alabat island sa Lalawigan ng Quezon. Ang dalawa ay natagpuang naliligo sa kanilang sariling dugo at 200 metro ang layo ng kanilang bangkay sa isa’t isa sa NIA road Barangay Camias bandang 6:15 ng umaga.
Isa umanong tawag sa telepono mula sa isang residente ng Barangay Camias ang tinanggap nila sa kanilang istasyon na ibinalita ang tumambad sa kanila ng umagang iyon.
Ayon kay San Pedro, ang isa sa mga biktima ay may suot na red jacket at red shirt at short pants na may takip ng face mask ang mga mata at binalutan ang mga ito ng masking tape habang ang isa naman ay nakasuot ng checkered na long sleeve at jeans. Ang dalawa ay kapwa nawawala simula noong Biyernes.Â
Ayon sa isang kapatid ng biktima, ang mag-live-in ay umalis ng kanilang isla noong Martes, Agosto 16 papuntang Bayan ng Gumaca, Quezon province upang umattend sa court hearing ng kanyang kapatid sa mga kasong kinakaharap nito–violation of RA 10591 or illegal possession of firearms at section 11 of RA9165 or the anti illegal drugs law.Â
Huli umano niyang nakausap ang mga ito noong Biyernes ng gabi at sinabi ng mga ito na sila ay sa isang hotel sa Gumaca magpapalipas ng gabi. Kinabukasan nang hindi na niya makontak ang mga ito ay nagduda na siya at napag-alaman niya na hindi pala dumalo sa nasabing court hearing ang kanyang kapatid at nawawala na nga ito.
Nang makita ang mga bangkay matapos na ito ay mai-vlog sa social media ng ilang residente sa bayang ito, doon ito kinutuban na baka iyon ang mag-live in na kaanak niyang nawawala. Agad siyang nakipag-ugnayan sa Alabat police station. Agaran din ang naging komunikasyon sa pagitan ng Alabat at San Miguel police kung kaya’t agad na natukoy ang mga biktima na kanyang kaanak.
Patuloy na iniimbestigahan ng San Miguel police ang krimen habang inaantay pa rin ang resulta ng autopsy sa mga bangkay upang matukoy ng lubos ang dahilan ng pagkamatay ng mga biktima at kung sa lugar na nakita ito pinatay o patay na ng itinapon doon.
Ito ang ika-apat na insidente na may nakitang mga bangkay sa Bulacan simula noong isang buwan.
Kahapon, Sabado ng umaga sa ilog sa Marilao, natagpuang lumulutang ang bangkay ng isang nawawalang 20 anyos na babae. Noong isang linggo, natagpuan sa Bustos area sa Plaridel Bypass ang katawan ng nawawalang 15 year old na dalagitang biker na ginahasa at pinatay ng isang kakilala nito sa kanilang lugar sa Lungsod ng San Jose del Monte. Naaresto na ng pulisya ang suspek.
Noon namang isang buwan, isang babaeng engineer na fresh graduate ang natagpuan namang patay sa Lungsod ng Malolos. Pinagnakawan ito at saka sinakal ng kapitbahay. Naaresto na rin ng pulisya ang suspek.