SAN FERNANDO, Pampanga–Isusulong at palalakasin ang food security, agriculture and livelihood ng mga mamamayan ng Pampanga sa pamamagitan ng pagmamanukan at pagbababuyan kapag siya ang naupong gobernador matapos ang darating na halalan sa Mayo, ito ang pahayag ni gubernatorial candidate ex-Candaba Mayor Danilo Baylon.
Simula ng mag-pandemya hanggang sa kasalukuyan ay nakapagpamigay na si Baylon ng 1 milyong sisiw sa mga mamamayan sa 21 bayan sa lalawigan bilang tulong pangkabuhayan at supply ng sariling pagkain sa hapag kainan.
Kung siya ang papalaring maupong gobernador, aniya, bawat tahanan lalo na ang maliliit na kababayan ay susuplayan niya ng mga alagaing sisiw upang magkaroon ng sariling pangkabuhayan. Gayundin umano, palalakasin din niya ang backyard na pag-aalaga ng baboy sa ayaw naman sa manukan.
Direkta niya umanong bibilin sa mga mamamayan ang kanilang napalaking alagang manok na magsisilbing kabuhayan ng mga ito.
Sa 30 days na alagaing sisiw na ipinamigay niya sa buong panahon ng pandemya, marami umanong pamilya ang nakatawid sa mahirap at mabigat na sitwasyon dulot ng pandemya.
Kaysa umano lalo pang sumuong sa usong-usong “online sabong” o “talpakan,” ang maraming mamamayan sa Pilipinas kabilang ang mga lalawigan tulad ng Pampanga, Bulacan, Batangas, Laguna, Cavite, atbp. ay mas mabuting sa manok pangkabuhayan na lang ibaling ng mga tao ang kanilang atensiyon.
Ngayong panahon na putungo na ang lahat sa pagbangon mula sa pandemya o ang new normal, dapat na umanong iwaksi ang mga paglilibang o pangkabuhayang nabuo noong panahon ng pandemya katulad ng talpakan.
Kasabay nito ay mariing ipinahayag ni Baylon na ipagbabawal niya ang talpakan sa buong lalawigan ng Pampanga kapag siya ang naupong gobernador..
Anya, maraming mga Pilipino ang patuloy na naghirap dahil sa sugal na talpakan, nawalan ng kabuhayan, nagkautang-utang at nalugmok sa kawalan at ang iba ay nagpapakamatay pa kung kaya’t hindi ito dapat magpatuloy.
Dahil din umano sa online sabong ay mawawalan ng hanapbuhay ang maraming nagtatrabaho sa mga totoong sabungan o mga cockpit arena.
Sa kabilang dako naman aniya, itataas niya ang kalidad ng kasalukuyang Diosdado Macapagal Provincial Hospital ng Pampanga bilang isang Medical Center at patatatagin niya ang social protection ng mga mamamayan.
Sa administrasyong Baylon umano ay makakaasa ang mamamayan ng Pampanga ng Transparent, Efficient, may Accountability at may Moral Ascendency na pamumuno at pagsisilbi sa lalawigan.