Vote straight! Para sa bayan ng Angat

ANGAT, Bulacan–Niliwanag ni Mayor Leonardo “Narding” De Leon na wala siyang kinalaman sa nakatiwangwang at maanomalyang proyektong Angat District Hospital sa bayang ito dahil hindi ito proyekto ng munisipyo kundi ng Capitolyo noong nagdaang mga taon.


Ito ay sa gitna ng mga naglalabasang paninira laban sa kanya ngayong panahon ng halalan na proyekto umano niya ang nakatiwangwang na ospital.


Ayon sa alkalde, ang Angat District Hospital ay kabilang sa P7-Bilyong halaga na hospital projects ng Bulacan Provincial Government sa maraming bayan sa lalawigan noong mga nakakaraang taon bago pa maupo ang kasalukuyang Gob. Daniel Fernando at walang kinalaman ang munisipyo ng Angat sa ilalim ng kanyang pamumuno.


Sadya umanong naging maanomalya ang konstruksiyon nito kaya hindi pinayagan ng Department of Health (DOH) na mabuksan at mag-operate.


Una umano nitong kapalpakan ay wala itong inilaang lupa para sa parking ng ambulansiya at iba pang mga sasakyan. Ang pintuan ng kalsada ay nakadikit agad sa kalsada. Ito ay taliwas sa standard na ibinibigay ng DOH para sa ano mang ospital lalo na at ito ay pampubliko at isang district hospital.


Gayundin, kulang ang lupa o lugar at sadyang maliit lamang para tawagin at mag-operate bilang isang district hospital. Katunayan, dahil kulang sa laki o lupa ang ospital ay bumili pa si Mayor De Leon ng halagang P4-Milyong kanugnog na lupa upang madagdagan ng laki ang ospital.


Subalit matapos masimulan ang pagtatayo nito ay hindi na itinuloy at hindi na isinalin o walang turn over na naganap mula sa kontratista nito patungo sa Capitolyo. 


Isang dahilan umano rin ng kawalan ng turn-over nito ay ang palpak na konstruksiyon kung saan mga sub-standard materials umano ang ginamit.


“Isa lang ang malinaw dito, inapura ito para lumabas agad ang pondo at hindi para ipaglingkod sa taong-bayan,” ayon sa alkalde. 
Ito anya ang katotohanan subalit binabaligtad ng kalaban niya sa pulitika at sa kanya isinisisi samantalang siya nga ang nagsasalba sa proyekto bilang bahagi ng paglilingkod niya at pagmamahal sa Bayan ng Angat.


“Huwag po kayong mabulag sa paninira. Hindi ko po project ang tiwangwang na ospital ng Angat kundi ng Capitolyo. Sinikap po natin na ituloy nila ang nasimulan nilang proyekto subalit batbat po ito ng anomalya kaya’t hindi maituloy-tuloy sa ngayon,” ayon sa alkalde.


Dagdag nito na sa kanilang panahon ni Gob. Fernando ay bumibili pa sila ng dagdag na lupa sa katabing lugar upang maging parking area ng ambulansiya at iba pang mga sasakyan nang sa gayon ay makapasa na ito sa standard ng DOH at maituloy na ang pag-gawa dito at mabuksan na para sa mga mamamayan ng Angat.

Gayundin, saad ng mayor, sa pagtutulungan nila ng kanyang kaalyado sa pagka-alkalde ng Bayan ng Angat sa halalan sa Lunes, Mayo 9 na si Phil. Army Reserve Maj. Leobardo “Jumong” Piadozo ay magiging lalo silang katuwang ni Gob. Fernando sa pagtutuloy ng proyektong ospital ng wala ng anomang anomalya.

Magka-tandem ang dalawa bilang “JumNar,” alkalde si Maj. Piadozo at bise alkalde naman si Mayor Narding dahil natatapos sa Hunyo 30 ang ika-3 termino o 9 na taon nitong pagiging mayor ng Angat sa pangalawang pagkakataon.