ANGAT, Bulacan–Binansagang “Alamat” na mayor hindi lamang sa lalawigan ng Bulacan kundi maging sa maraming lugar sa bansa dahil sa tagumpay, kaunlaran, tapat at mahabang panahon niyang pagmamahal at paglilingkod sa Bayan ng Angat kaya naman naging isang first class municipality ito mula sa pagiging fourth class noong mga nagdaang taon, kinilala ng League of Municipalities of the Philippines (LMP) si Mayor Leonardo “Narding” De Leon bilang isang “Extra Ordinary” public servant.
Tinanggap ni De Leon ang nasabing award mula kay LMP national president Luis “Chavit Singson noong nakaraang linggo lamang.
Patunay ang maraming mga eskuwelahan, kalsada, iba pang public infrastructures tulad ng covered courts, Day Care Centers sa iba’t ibang barangay at marami pang ibang proyekto ang tuloy-tuloy na ipinatatayo at ipinaaayos ng alkalde.
Maaga pa lamang ay nasa opisina na niya sa munisipyo ang alkalde at tinatanggap ang lahat ng mga mamamayan ng Angat na kailangan ang kanyang aksiyon at tulong kabilang ang humihingi ng pang medical, pinansiyal at marami pang iba.
Sa kasagsagan ng pandemya ay nagpalabas si De Leon ng P7-Milyong sariling pondo ng munisipyo upang ipandagdag sa kakulangan ng budget na ibinaba ng national government bilang financial assistance sa mga taga Angat na apektado din ng COVID-19 pandemic.
Tapat niyang ibinaba sa mga mamamayan ng Angat ang tulong na ito ng national government sa kabila ng maling kagustuhan, pag-atake at paninira sa kanya ng ilan niyang katunggali na dapat daw umano ay hatiin at paliitin ang budget na ipamimigay upang magkaroon ang mas marami pang residente.
Ikinadismaya rin ng mga taga suporta at mga nagmamahal sa alkalde ng dahil sa pula nilang kulay sa pulitika ay ikumpara ang kanilang idolo sa COVID-19 na virus dahil pula rin ang kulay nito.
“Huwag kayong patangay sa mga walang magawa kundi sirain ang aking buhay. Tanungin ninyo silang mga umuupak sa akin kung ano ang naihandog o nagawa nila para bayan. Pati mga bogus accounts naglagay na kayo, pati ba naman COVID-19 virus ay ako. Ako daw ang virus, kami daw, dahil pula ang aming uniporme (kulay ng partido),” ang naging madamdaming pahayag noon ng alkalde.
Tatlong bahagi ng buhay ng alkalde ay inialay niya sa Bayan ng Angat at alam ito ng kanyang mga kababayan, katunayan ay halos sa munisipyo na siya tumira para mamuno at maglingkod subalit tinatapunan siya ng mga paninira ng kanyang kalaban sa pulitika.
“Halos dito na tayo tumira sa pamahalaang bayan, noon fourth class municipality ang Bayan ng Angat at ito ay naitaas natin sa first class. Nagpagawa tayo ng mga eskuwelahan, mga kalsada, at iba’t iba pang proyekto. Sa kabila nito ang sinasabi ng ating katunggali, wala daw tayong ginagawa. Nakikita ninyo ako araw araw tumutulong sa mahihirap. Pagbibintangan ako sa P50-Milyon ng aking katunggali subalit may guidelines ang DILG na hindi maaring hati-hatiin. Ngayon may bagong issue. Ito daw P7-Million na hiniling natin na aprubahan para makatanggap ang mga hindi nakatanggap ay ninakaw ko daw, pareho pong ang mga pera na iyan ay hindi pinadaan sa atin kundi sa DSWD at mga kapitan. Sa listahan po ng mga kapitan nagkaroon ng problema,” pahayag niya.
Living Legend and idol
Si Mayor De Leon ay kinikilala bilang isang Living Legend Mayor o isang “Alamat” hindi lamang sa Bulacan kundi maging sa buong bansa dahil sa 57 mahabang taon niyang pagmamahal at paglilingkod at pagpapaunlad sa bayan ng Angat at gayundin sa edad niyang 83 years old ay patuloy niyang iniaalay sa kanyang mahal na bayang Angat ang kanyang sarili.
Gayundin, hindi lamang siya isang alamat ayon kay Guiguinto Mayor Ambrosio Cruz Jr. at pangulo ng Bulacan Mayor’s League kundi si Mayor Narding daw ay kanyang idolo, pahayag nito sa NEWS CORE.
Ultimong ai Gob. Daniel Fernando ay hinahangaan, kinikilala at ipinagmamalaki si Mayor De Leon bilang Alamat na Mayor ng Bulacan gayundin ang dating magkapatid na gobenador Josefina Dela Cruz at Joselito Mendoza.
“Tayo ay kilala at tinatawag hindi lang sa ating lalawigan kundi maging sa buong Pilipinas bilang isang Legend dahil sa tagal natin sa paglilingkod bilang alkalde na tayo na lang yata sa ngayon ang may record ng pinakamatagal na naglilingkod at dahil din sa mga parangal na natatanggap ng ating bayan sa iba’t ibang larangan,” dagdag ni Mayor De Leon.
Sa ano mang laban sa ano mang posisyon sa Bayan ng Angat ano mang panahon at taon ay hindi nakatikim ng talo ang alkalde.
Graduate ng four year course degree sa Manuel L. Quezon University (MLQU) at kalaunan ay nagtapos din ng law sa University of the East, nagsimulang maglingkod sa pamahalaan si Mayor De Leon bilang empleyado ng Capitolyo noong 1964. Kalagitnaan ng 1965, na-appoint siyang technical assistant employee sa pamahalaang bayan ng Angat.
Naging halal na konsehal siya ng bayan taong 1971-1980 at vice mayor mula 1981-1987 hanggang naging OIC mayor noong 1986 Edsa Revolution noong matapos i-appoint ni noo’y Pangulong Corazon Aquino.
Hanggang ngayon ay wala siyang talo bilang mayor at pagiging isang lingkod bayan ng Angat.
Ka-tandem ni Mayor De Leon na tumatakbong bise alkalde sa halalan ngayong Mayo 9 si Phil. Army Res. Maj. Leobardo “Jumong” Piadozo at malaki ang tiwala niya na magiging mahusay itong pinuno ng Bayan ng Angat at susundan hindi man mahigitan ang kanyang mga nasimulang proyekto para sa mamamayan ng kanilang mahal na bayan.