SIYUDAD NG MALOLOS, Bulacan, Philippines–Magtatayo ang provincial government ng Animal Multiplier and Breeding Center sa lupa nito sa Dona Remedios Trinidad (DRT) upang alagaan at gawing dagdag hanapbuhay ng mga Bulakenyo lalo na sa panahon pa rin ngayon ng pandemya, ito ang ibinahagi ni Gob. Daniel Fernando sa homeowner’s associations sa buong lalawigan.
Isinagawa ang meeting with the homeowners sa buonh apat na distrito ng Bulacan nitong nakaraang linggo upang bigyan sila ng kaunting ayuda at upang hilingin ang lalo pa nilang puspusang pakikiisa sa paglaban ng lalawigan sa COVID-19 sa kani-kanilang mga nasasakupan sa pamamagitan ng mahigpit na paalala sa mga miyembro ng pagtalima sa minimum standard health protocols.
Bukod sa ayuda, ibinalita ng gobernador ang patuloy na pagbaba ng mga kaso ng COVID-19 sa buong lalawigan na ngayo’y nagtala na ng 54% na pagbaba.
Ibinalita rin niyang magtatayo ang Capitolyo ng Animal Multiplier and Breeding Center sa lupang pag-aari nito sa DRT upang lalong makapagbigay ng hanapbuhay at pagkain sa mga Bulakenyo lalo pa ngayong patuloy na pandemya.
Aalagaan doon, ani ng gobernador ang manok, kalabaw, baka, kambing, baboy, bibe at iba pa.
Gayundin itatayo umano ang isang Farming and Agricultural School sa lumang building ng Girl Scout sa palibot ng Capitol Grounds sa siyudad na ito upang bigyan ng sapat na kaalaman at training ang mga kabataan tungkol sa agrikultura sapagkat isa ito sa major na pinagkukunan ng kabuhayan at iyan ay napatunayan umano nitong panahon ng pandemya.
Dapat umanong ang kabataang Bulakenyo ay mapukaw din ang interest sa mga pananim at paghahayupan bilang pangunahing kabuhayan at pagkain.
Gayundin ibinalita ng gobernador na maglalagay siya ng Magnetic Resonance Imaging (MRI) equipment sa Bulacan Medical Center (BMC) upang hindi na dadalin pa sa Maynila ang mga pasyenteng Bulakenyo na nangangailangan nito.
Nagkakahalaga umano ang isang unit o equipment ng MRI ng halos P80-Million subalit ito ay kakayanin ng pondo ng lalawigan.
Dagdag pa ring ibinagagi ng gobernador na magtatayo siya ng Opthalmology Center sa BMC upang mabigyan ng sapat at modernong lunas sa mata ang mga Bulakenyo at hindi na gumagasta pa ng malaki sa private o nagpupunta pa sa Maynila.