OBANDO, Bulacan—Sa katindihan ng init na dinadanas ng marami dahil sa matinding sikat ng araw, mahigit 1 ft. na tubig baha bunsod ng flash flood na hatid ng high tide at pagkasira ng flood gate at dike sa bayang ito ang inabot ng mga residente nitong Sabado na nagpaagos din sa mga basura sa kalsada papasok ng kanilang mga bahay.
Ang flash flood ay bunsod ng pagkasira ng flood gate sa Barangay Lawa noong June 15 at ng Paco-Tawiran dike noong May 24 na sinabayan ng 5.2 ft. na taas ng high tide.
Ayon kay Mayor-elect Leonardo Valeda, 40 meters ang haba ng napigtas sa dike kaya malaki rin ang nabawas sa pumipigil sa high tide papunta sa kalsada at mga kabahayan.
Dumanas ng mahigit 1 ft. flood water ang mga residente sa Lawa, Paco, Tawiran, mga bahagi ng Hulo, at San Pascual at mga bahagi rin ng Polo, Valenzuela City.
Ayon kay Valeda, high tide din ang nakikita nilang dahilan ng pagkasira ng Lawa flood gate at ng Paco-Tawiran dike. Ang Lawa flood gate ay ginawa noong 2018, ayon sa kanya at ang Paco-Tawiran dike naman ay luma na at halos 10 taon na.
Sa mga kabahayan sa Tawiran, kasama ang jeepney driver na si Antonio Biron na nagkakabit ng trap nets sa gate ng mga kabahayan upang hindi pasukin ng basura.
Ani Biron sa NEWS CORE, ang flash flood ay napatindi rin ng malakas na ulan ng bandang magtatanghali ng Sabadong iyon.
Kasalukuyang ginagawa na ang dike at ito ay papalitan na ng sheet files matapos na inspeksiyunin ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Second District Engineering Office Chief George Santos at mag-atas ng construction firm na magsasaayos nito.
Nagbigay naman ng flood gate si Valenzuela City Mayor-elect Congressman Rex Gatchalian at ito rin ay naikabit na.
Agad ding nagpadala ng mga sand bags si Fourth District Congressman and Mayor-elect Henry Villarica habang si Gob. Daniel Fernando naman ay inutusan ang Provincial Engineering Office na magpadala ng 10 truck loads ng mga adobe upang makatulong din sa pagharang sa pagpigil sa tubig baha.
Dinadanas na sa coastal areas ng Bulacan ang high tide noon pang mga nagdaang araw subalit pinakamataas ito noong Sabado sa level na 5.2 ft. Ngayon ay papaliit na ang tubig sa 4.7 ft. hanggang 4.2 ft. subalit ilang linggo lamang ay mayroon muling 5.2 ft. taas na high tide.
Umaapela si Valeda sa construction firm na nagsasagawa ng repair na agaran din itong matapos.
Ang Obando ay may 11 barangay.