BULAKAN, Bulacan, Philippines–Mariing kinondena ng National Press Club (NPC) ang sunod-sunod na pag-etchapwera sa media sa ilang beses na okasyon ng pagpupugay kay Marcelo H. Del Pilar, ang kinikilalang Ama ng Peryodismo sa bansa.
Ayon kay NPC President Paul Gutierrez, hindi tamang hindi kasama sa priority ang grupo ng mga mamamahayag, ang NPC at Bulacan Press Club, at iba pang samahan ng media tuwing may programa at mag-aalay ng bulaklak sa bayani sapagkat sila ang mga alagad ng peryodismo at pamamahayag sa bansa na itinaguyod ni Del Pilar.
Kahapon ay muling wala ang Bulacan Press Club sa hanay ng mga nag-alay ng bulaklak sa shrine ng bayani sa Sitio Cupang, Barangay San Nicolas sa bayang ito sa okasyon ng ika-125 guning taong pag-alaala sa kamatayan ni Del Pilar na kilala rin sa tawag na Plaridel.
Nakakapagtakang ang halos lahat ng pangunahing grupo na may kinalaman sa pagdakila kay Plaridel tulad ng Bulacan officials, National Historical Commission of the Philippines (NHCP) heads in Bulacan, kabilang ang pinuno ng Philippine Masonry at ang lokal na opisyales ng bayang ito ay naroon kasama pa ang pulisya subalit ang Bulacan Press Club, na samahan ng mga mamamahayag ay wala na naman.
Noong Agosto 30 noong isang taon, hindi rin invited ang Bulacan Press Club sa ilalim ng pamumuno ni Jenny Raymuno ng Mabuhay Newspaper, subalit maalab itong dumalo kasama ang iba pang mga opisyales at miyembro.
Suot ang kanilang uniporme na may tatak na Bulacan Press Club at dala ang kanilang tradisyunal na bulaklak na gawa sa mga diyaryo upang ialay kay Del Pilar, hinihintay ng grupo na banggitin sila sa mikropono subalit hindi nangyari.
“Eto na naman tayo,” pahayag ni Alex Aguinaldo, curator ng Del Pilar Shrine sa panayam ng NEWS CORE. “Muli po ipagpaumanhin po ninyo hindi na nakapag-imbita dahil nililimitahan po ang mga dadalo dahil sa pandemya katulad din po noong isang taon,”.
Ayon kay Gutierrez, may mali yata sa priority list ng mga ahensiya ng gobyerno na nag-iimbita dahil ang media pa ang inalis sa priority.
“Dapat ayusin nila ang priority nila. Tayo ay mga media, mamamahayag at si Del Pilar ang Ama ng Pamamahayag at napakahalaga na tayo ay kasama sa mga nag-aalay din ng bulaklak sa kanya sa mahalagang okasyon tungkol sa kanya”.
Ayon kay Gutierrez, may papel din sana ang Bulacan officials concern upang hindi ma-etchapwera ang mga mamamahayag.
“Nakakalungkot na ang maling priority ay kinukunsinte ng Bulacan officials. Sa preparation ng programa hindi ba’t may meeting diyan, oh bakit wala doon ang media ay hindi nila kinukuwestiyon. Kami dito ay okey na hindi muna ma-invite ngayon pandemic lalo na at malayo kami, pero hindi nila dapat hindi iniimbita at pina-priority ang Bulacan Press Club,” dagdag ng pangulo ng NPC.
Ang Bulacan Press Club kasama ang National Press Club ang mga nanguna kasama ang pamilya ni Del Pilar sa pag-hatid ng mga labi ng bayani mula Maynila pauwi sa lugar na kanyang tinubuan sa Sitio Cupang noong okasyon ng pag-gunita sa ika-134 guning taon niyang kapanganakan, Agosto 30, 1984 kung saan buhat noon ay itinayo ang kanyang dambana.
Ayon kay Frederick Silverio ng Manila Times, noong siya ang pangulo ng samahan noong 2018 ay hindi rin kasama ang BPC sa inimbitahan sa annual grand parade upang mag-alay ng bulaklak subalit inihabol niyang makasama.
Sa taun-taon ding programa, ani Silverio, laging pang-kulelat lang ang BPC sa mga bilang at puwesto ng mga mag-aalay ng bulaklak.
Itinatag at pinamahalaan ni Del Pilar ang pahayagang La Solidaridad upang mamulat ang mga Pilipino sa mga pagmamalabis ng mga dayuhang Kastila.
Isinilang siya sa bayang ito Agosto 30, 1850 at namatay sa Barcelona, Spain noong Hulyo 4, 1896.