BALIWAG, Bulacan—Non-working day o walang pasok sa trabaho o maging eskuwelahan man ang buong Bayan ng Baliwag ngayong Sabado, Disyembre 17, araw ng plebisito upang maging isang lungsod ito.
Sa inilabas na Memorandum OrderNo. 108 ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Lunes, Disyembre 12 sa pamamagitan ni Executive Secretary Lucas Bersamin, idineklarang non-working day ang Disyembre 17 upang mabigyan ng sapat na panahon at pagkakataon ang mga mamamayan na makilahok sa nasabing plebisito sa pamamagitan ng pagboto.
“In order to give the people of the municipality of Baliwag the opportunity to actively and fully participate in the plebiscite and exercise their right to vote, it is but fitting and proper to declare December 17 as a special non-working day,” ayon sa nasabing kautusan.
Ang botohan ay magsisimula ng ika- 7:00 ng umaga hanggang ika- 3:00 ng hapon sa 200 na mga precincts sa 26 voting centers ng 27 barangay kung saan inaasahang papalo sa 85-90% ng
108,572 registered voters ang lalahok at magsisiboto.
Sinigurado ni Commission on Elections (Comelec) Chairman George Erwin Garcia na magiging payapa, matiwasay at tagumpay ang gaganaping plebisito dahil na rin sa kahandaan ng mga katuwang na ahensiya ng gobyerno sa nasabing aktibidad tulad ng mga guro, ng kapulisan, ng mga sundalo bukod pa sa mga tauhan ng kanilang tanggapan.
Hinimok niya ang lahat ng mga residente ng Baliwag na gamitin ang kanilang karapatan at iparinig ang kanilang boses tungkol sa pagiging lungsod ng kanilang bayan.
Ayon naman kay Bulacan Provincial Election Supervisor Atty. Mona Ann Aldana-Campos, may halos 300 police at military personnel ang magbabantay sa buong bayan ng Baliwag sa buong araw ng pagboto at hanggang sa matapos ang bilangan bago maghating-gabi upang siguraduhing walang anomang kaguluhan ang maaring maganap at makakabalam sa nasabing napakahalagang gawain.
Masugid lalo ang huling tagubilin at pag-amuki ni Mayor Ferdinand Estrella sa kanyang mga kababayan na aktibong makilahok at bumoto ng yes o kaya ay oo sa balota upang maging isa ng siyudad ang kanilang bayan at dumaloy ang higit na malaking pondo mula sa national government at gayundin ang kita sa local upang magamit sa mas marami at malalaking proyekto at progama sa lalong ikauunlad ng kanilang mahal na Baliwag,
Isang ospital at isang libreng dialysis center ang ilan lamang sa pinaka pangunahing proyekto ng alkalde kapag ang Baliwag ay naging isa nang siyudad.