BULAKAN, Bulacan—Nalanos din sa naganap na sunog madaling araw ng Lunes sa bayang ito ang tatlong e-bike stores na nagkakahalaga ng mahigit P1 milyon.
Ang 3 naabong e-bike stores ay pag-aari ni Darius Ridrigo, 52, mula sa Barangay San Nicolas.
Inuupahan niya ang nasabing mga puwesto sa isang mag-anak na nasawing-palad sa nasabing sunog.
Ayon sa report ni Fire Officer 1 Mike Cabrera ng Bureau of Fire Protection (BFP) office ng Bulakan, officer on case ng nasabing insidente, naganap ang mahigit 1 oras na sunog bandang 3:11 ng umaga ng Lunes at nadeklara itong fire out ng 4:45 ng umaga.
Kabilang sa mga nasawi matapos makulong sa loob ng kanilang bahay habang nilalamon ito ng apoy ang couple na isang 46 year old na lalaki at 52 year old na babae at kanilang 8 taong gulang na batang anak na babae.
Na-trap umano ang mag-anak habang tinatangkang makatakas mula sa naglalagablab nilang bahay.
Patuloy pa rin ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa pag-alam ng sanhi ng sunog.