BALIWAG, Bulacan-Naglaan ng P17-milyong halagang pondo ang pamahalaang bayan para sa tinatarget na plebisito sa taong ito para sa Baliwag city hood o conversion ng bayan bilang isang siyudad.
Ayon kay Mayor Ferdie Estrella, may kasalukuyang ilang amendments lamang na isinasagawa sa kapapasa lang na Senate House Bill No. 10444 or the Act of Converting the Municipality of Baliwag in Bulacan into a component city at matapos ito ay inaasahan nilang itatakda na ng Commission on Elections ang plebisito ngayon ding taon.
Ang nasabing batas na inakda ni Senator Joel Villanueva noong isang taon ay pinasa sa senado noong Mayo 23. Sinuportahan ni Senator Francis Tolentino, chair of the Local Government Committee ng senate ang nasabing panukala at nina Congressmen Gavini “Apol” Pancho ng Bulacan Second District, Paolo Duterte at Eric Yap sa mababang kapulungan.
Ayon sa alkalde, isang natupad niyang pangarap at ng maraming mga taga Baliwag ang pagkapasa ng city hood nito lalo na at natapat sa ika-289th founding anniversary ng kanilang bayan noong Mayo 26.
Lalo aniyang lulubusin ng biyaya at pagpapala ang Bayan ng Baliwag kapag ganap na itong siyudad sa isang taon kaalinsabay ng ika-290 taong anibersaryo ng pagkakatatag nito.
Matapos ang isinasagawang amendments, itatakda na ng Comelec ang plebisito, ani ng mayor.
Ang Baliwag ay may 27 barangays na may 168,470 populasyon at 101,946 registered voters base sa 2020 records.
Isang primary agricultural town ang Baliwag na may mahigit P655-million halaga ng kita at mahigit P1-billion worth of assets.