MA. ANTONIETTA A. ILETO

TEACHER III

BAGUMBAYAN ELEMENTARY SCHOOL

“Ang Edukasyon Ay Para Sa Lahat, Walang Maiiwan, Lahat Tayo Ay Pantay-Pantay.”    

Pawis, pagod at ang tirik na tirik na init ni haring araw ang siyang sumasalubong sa tuwing ako ay papadyak para matupad ang bawat maliliit na pangarap ng mga kabataan. Binabata ang bawat pwersa na dapat kong ibigay, masusukal na mga daan at sinusuong ang bawat hampas ng malakas na hangin makapunta lamang sa kanilang bawat tahanan. Hindi simple ang salubingin ang anumang sikrumstansya para maiskatuparin ang isang adhikain. Maraming balakid, maraming pagsubok na kinaharap ngunit ang maalab na puso parin ang nananaig. Ang pigningas nito ay kailanman hindi matatalo ng lamig ng ulan, ang ningas nito ay magpapatuloy hanggang sa marating ang rurok ng tagumpay.

Binulaga tayo ng pandemya, tayo ay tila isang sundalo na bigla na lamang pinagbagsak dahil hindi natin alam at nakikita ang ating kalaban. Napakaraming pagbabago ang ating kinaharap, mga nakasanayan na hindi na nagawa, mga munting hakbang na hindi na naituloy. Sa bawat pagsikat ni haring araw, minsan naiisip ko, “May pag-asa pa kayaang naghihintay paara sa bawat bata na nag-aasam ng mga bagong aralin at kasanayan, kung ang pandemya ay nagbigay sa atin ng malaking distansya?” Nakakapanlumo na sumagi sa isip, minsa’y nailing na lamang at napapayuko tuwing sasagi ito sa aking isip. Papaano ko iisipin ang kinabukasan nag-aabang sa kanila, kung ang kasalukuyan ay isang malabong pagkakataon pa.

Bitbit ang ilang module at ang alab ng karunungan, binabaybay ko ang bawat lansangan upang marating ang kanilang mga tahanan. Doon minsan ay aabutan ko silang naghihintay sa aking pagdtaing, nakakataba ito ng puso. Dahil talagang inaasam nila na magkaroon ng bagong kaalaman at higit sa lahat ang matuto kahit na ang gulong ng buhay ngayon ay nasa ilalim. Napakahirap para sa isang mag-aaral ang matuto ng mag-isa, nariyan man ang kanilang mga magulang upang gumabay, iba pa rin kung nandyan ang mga maestra na hindi magsasawang itama sila. Sa aking bawat pagkatok, napagtanto ko, kung ang bawat miyembro tahanan mga pangangailangan sa bahay ang inaantay, ang mga bata naman na ito, ang kanilang inaantay na dumating ay ang tulong para sa kanilang pag-aaral. Ang simpleng pagtuturo sa kanila ng ABAKADA, at pagbibigay sa kanila ng unang hakbang sa pagbasa ay isang malaking pagpuno na sa kanilang mga isipan. Ang bawat isa ay nangangailangan ng pagkain na sapat, kaya naman kabi-kabilaang relief goods at ayuda ang pinamamahagi, sa larangan ng edukasyon, ay ganito rin naman. Ibinabahay-bahay ang mga aral upang sa mga araw na hindi man sila makalabas ay nagpapatuloy pa din ang kanilang isipan at kalooban sa pangangarap.

Bagamat may pangamba dahil sa pandemya ay pinili ko pa din na maabot ang mga batang nangangailangan ng patnubay at gabay upang sila ay matutong magbasa. Tumulay ako sa kawayang tulay upang marating ko sila gamit ang bisikleta. Hinanap ko ang bahay nila sa bukid ng Bagumbayan upang maturuan silang magbasa. Nakatutuwa dahil tunay na iba ang pakiramdam kapag napatutong bumasa ang bata at naipadama sa kanila ang malasakit at pagmamahal.

            Para akong nasa mga ulap tuwing nakikita ko ang kanilang bawat sigla, sa isang nakakapanlumong pandemya, ang kurba sa kanilang labi ay isang sinag ng tala ng nagbibigay ng lakas upang ang isang guro na tulad ko ay mas lalong magpunyagi. Hindi ko na nga halos maramdaman ang pagod sa tuwing nakakausap ko na ang mga mag-aaral, sulit ang bawat padyak, ang bawat pagpatak ng pawis, basta’t ang kanilang mga matang puno ng ligaya ay akin ng masisilayan.

            Kung gaano ang aking ligaya, ganoon na din ang kanilang mga magulang. Nakakapanlambot ng puso na madinig ang kanilang taos pusong pasasalamat. Binibigyan ako nito ng mas matibay na dedikasyon upang mas lalo akong magpatuloy. Hindi naman kasi sa lahat ng oras ay nanantili ang alab na aking tangan, minsan ito rin ay pumapanglaw at humihina ang pagningas. Sa iba’t ibang dahilan, nagiging mas mahirap ito, parang misyon ito na habang mas gusto mong matapos mas madaming pagsubok na darating. Susubukan ang iyong katatagan at kung gaano ka talaga buong pusong nag-aalay ng oras at pagmamahal sa iyong ginagawa. Ngunit, ang simpleng pasasalamat nila ay isa ng malaking gantimpala. Para itong isang buntong hininga mula sa nakakapagod na karera ng pagbibisikleta ng mga atleta. Hindi pa man nararating ang pinakadulo upang masabing nagwagi na ako, ang pagbibigay nila ng salamat ay tila isang kanlungan at tahanan ng kinukuhanan ko ng determinasyon pa.

            Bumagyo man o umaraw, tuloy lamang ang aking byahe. Tuwing nadaraan ako sa isang tahimik na eskinita di ko magawang di mag-isip at magpasalamat. Dahil gaano man kahirapa ng bawat bagay, may tangan akong sulo na nag-aalab na nagbibigay ng pag-asa sa bawat pamilya at higit sa lahat sa mga bata na may magandang kinabukasan na nag-aabang sa kanila. Kung gaano kaaliwalas ang kalangitan sa tuwing ako ay maglalakbay, ganoon din kaaliwalas ang pangarap ko para sa kanila.

Hindi ako magsasawa na galugarin ang bawat sulok ng Bagumbayan, hangga’t may batang nagnanais na matuto, patuloy akong papadyak para makapagpunla ng aral na dapat nilang taglayin. Patuloy kong pag-aalabin ang bawat isipan nila, tatamnan ng mga aral na kakailanganin nila. Walang mahuhuli kahit pa nasa pandemya. Patuloy ang pagpapaabot ng edukasyon, ano man ang katayuan sa buhay, tayo ay pantay-pantay. Itataas ang mas nangangailangan na mag-aaral at hindi sila hahayaan na mag-isang makibaka sa hirap ng pag-aaral sa panahon ng pandemya. Dahil ako, bilang isang guro ay isang alagad ng karunungan na may misyon at adhikain na mas mapabuti ang bawat isang bata.

Ilang pagliko man, abutin man ng ilang kilometro ang layo. Harapin ko man ang ilang unos at balakid, hindi mapapagod ang aking puso na pumadyak. Iikot at iikot ang bawat gulong upang tahakin ang lugar ng bawat batang naghihintay ng ka-agapay sap ag-aaral. Hindi matatapos ng pandemya ang aking sinumpaang panata. Hindi lamang ako guro sa apat na sulok ng silid-aralan. Isa akong guro na may puso at isang ina sa bawat mag-aaral ng Bagumbayan, sa loob man o labas ng sintang paaralan. Magpapatuloy ako sa pagpadyak para sa karunungan.