"NO TO LIFT PERSONA NON GRATA". Isang ginang ng Sitio Upper COC sa Barangay Bigte, Norzagaray ang kabilang sa mga ilang mamamayan nito na nagprotesta sa kanilang Barangay Hall. Larawan ni Anton Luis Catindig.

BAYAN NG NORZAGARAY, BULACAN, PHILIPPINES—Mahigpit na tinutulan ng mga residente ng Barangay Bigte sa bayang ito ang pagbawi sa deklarasyon ng persona non grata laban sa isang Australian national na nauna na nilang inireklamo dahil sa pagiging bastos nito umano at masamang ugali kabilang ang paglalagay sa alanganin sa kanilang seguridad at kaligtasan dahil sa mga alaga nitong unggoy at balak na pagtatayo ng monkey sanctuary.

Mahigpit na binabantayan nina Sergio Avendano, 64 at mga kasama nitong 70 na residente ng Sitio Upper COC sa Barangay Bigte sa bayang ito ang kanilang lugar dahil sa maaaring ano mang oras ay lumitaw doon si Tristan Evans, 37, isang turistang Australian national.   

Ayon kay Kagawad Rose Capa, isa sa pitong opisyales ng Bigte na hindi pumabor sa naging desisyon ng buong konseho ng Bigte na i-lift na o bawiin na ang nauna nilang pasya na ideklarang persona non grata si Evans, idudulog nila sa Department of Interior and Local Government (DILG) ang nasabing  pagbawing ginawa ng kanilang mga kasama.

Sa isang resolusyon nitong Lunes, Mayo 10, pinangunahan ni Barangay Captain Ruvina Lamadrid ang pito niyang mga kagawad sa pagbawi sa nauna nilang pinagtibay na Resolution 2021-003 na nagdedeklarang persona non grata si Evans.

Ang mga residente ng Sitio Upper COC sa Barangay Bigte, Norzagaray sa kanilang isinagawang protesta laban sa pagbawi ng kanilang Sangguniang Barangay sa nauna nitong deklarasyon na persona non grata ang isang umano ay abusado at aroganteng Australyanong kapitbahay na balak ring magtayo ng monkey sanctuary sa kanilang lugar. Ginawa nila ang pagkilos na ito sa harapan ng kanilang Barangay Hall. Larawan ni Anton Luis Reyes Catindig  

Ayon kay Lamadrid, nararapat nilang bawiin ang nasabing deklarasyon sapagkat ito ay hindi akmang parusa na dapat igawad sa Australyano sa pagkakamali at pagkukulang nito na pagbalewala at hindi pagdalo sa lahat ng apat na beses na patawag nilang hearing base sa reklamong abuso at mga hindi magandang ugali nito na inihain ng 70 residente ng Upper COC sa Barangay Bigte.  

Sa botong 4-3 ay tinutulan iyon ni Kagawad Capa dahil ang hindi lamang umano ang pagbalewala o hindi pagdalo ng apat na beses ang dahilan ng pagdeklara sa foreigner bilang persona non grata kundi higit lalo ang reklamo laban dito na “disrespect, harassment against constituents, indirect contempt and undue accusation against barangay officials in the performance of their performance of public hearing and duties”.

Kabilang din sa reklamo laban kay Evans ang tungkol sa umano ay mga nakakawala at gumagala nitong mga alagang unggoy. Giit ni Capa na dapat nanatili ang persona non grata declaration laban sa Australyano dahil ang pagbawi dito ay maglalagay sa panganib sa 70 mga nagrekalamo laban dito. 

Sa reklamong tinanggap ng mga opisyal ng Barangay Bigte mula sa 70 residente ng Sitio Upper COC, si Evans umano ay may “undesirable attitude, actuations and activities causing harassment, damages and harm against persons and properties in our community where he resided as alien in our place in Sitio Upper COC”. 

Ang mga residente ng Sitio Upper COC sa Barangay Bigte, Norzagaray sa kanilang isinagawang protesta laban sa pagbawi ng kanilang Sangguniang Barangay sa nauna nitong deklarasyon na persona non grata ang isang umano ay abusado at aroganteng Australyanong kapitbahay na balak ring magtayo ng monkey sanctuary sa kanilang lugar. Ginawa nila ang pagkilos na ito sa harapan ng mala-kastilyong bahay na ipinatayo ng nasabing dayuhan sa kanilang lugar. Larawan ni Anton Luis Reyes Catindig  

Pinangunahan nila Luisa Ogoc, 58, Sergio Avendano, 64, Lea Pula at Raquel Abdujarak ang mahigpit na reklamo laban kay Evans dahil umano sa mga personal na ring masasamang inasal nito laban sa kanila.

Si Ogoc ang dating kaibigan ni Evans at tumulong dito na maipatayo ang kanyang malapalasyong bahay sa kanilang lugar at makabili rin ng lote upang pagtayuan ng monkey sanctuary subalit kalaunan ay inireklamo nito ang kaibigang dayuhan dahil umano sa hindi magagandang mga asal nito.

Si Pula naman ay inireklamo si Evans dahil sa pagtungayaw umano nito sa kanya sa harapan ng kanyang bahay at pagduru-duruin siya at sabihang “idiot,” “stupid,” “bastard” at marami pang ibang masasakit na salita.

Isa pang ginang mula sa Barangay Bigte naman ang may hawak ng karatula na “BASTOS”. Larawan ni Anton Luis Catindig.

Nakikialam din umano si Evans sa away pamilya nilang magkakapitbahay at kinokontak pa umano ni Evans ang mga kamag-anak nila sa abroad at tinatakot na ipapa-deport ang mga ito. Marami pa umano sa kanila ang dinuduro at tinatakot nitong dayuhan.

Si Avendano naman ay inireklamo si Evans sa pakikialam at panghihimasok sa kanilang buhay ng mag-post ito umano sa social media na ang kanyang mga baboy ay namatay sa Asian Swine Fever kaya sinabihan umano niya ito na “mind your own business”.

Si Evans ay dumating sa Bigte taong 2015 sa pamamagitan ng pagiging kaibigan ng nakakatandang kapatid ni Ogoc na si namayapang Teresita Santos. Inupahan o nakipag-lease contract umano si Evans sa lupa ni Santos gamit ang pangalan ng kaanak ni Santos sapagkat siya ay isang dayuhan at isa lamang turista upang magtayo ng kaniyang tirahan sa lugar at ganoon din ang monkey sanctuary.

Isang turista si Evans subalit bihira na rin umano itong umalis ng bansa at mas madalas ay nasa Barangay Bigte lamang, ayon sa mga residente.

Noong dumating umano ito doon noong 2015 ay dala nito ang walong alaga nitong unggoy. Ang mga unggor umano ay nakakawala at sila ay nakakagat nito. Kabilang din umano si Evans sa mismong nakagat.

Ayon sa mga residente, si Evans umano ay orihinal na tumira sa katabing barangay Minuyan ng Siyudad ng San Jose del Monte at doon ay mayroon itong dating boyfriend subalit naghiwalay sila nito at napadpad na sa kanilang barangay matapos ngang makilala ang noo’y nabubuhay pang si Santos.        

“The Barangay Council remarkably observed that Tristan Evans blatantly refused to cooperate in the supposed clarificatory hearing on the petition filed against him by 70 residents in Sitio Upper COC despite of repetitive services of Letter of Invitation/Notice of hearing tantamount to gross disrespect, indirect contempt against duly constituted local authorities of Barangay Bigte,” pahayag ng Resolution 2021-003.  

“The barangay council is left with no option but to declare Tristan Evans persona non grata in Barangay Bigte and be prevented to stay and live in any part of the said barangay for the welfare and in the interest of public safety, the protection of life and property of the constituents,” the resolution further states. 

Nauna rito ay tinutulan din ng mga residente at mismo rin ng buong sangguniang barangay ng Bigte sa pamamagitan ng pag-deny nito noong Enero 15 sa application ni Evans na barangay business permit para sa balak nitong itayong monkey sanctuary sa kanilang lugar dahil ito umano ay isang residential place at ang kanyang mga unggoy umano ay nangangagat kapag ang mga ito’y nakakalabas at nagdudulot ng banta sa kanilang kalusugan at kaligatsan.

Nakasaad din sa Resolution 2021-003 “to prevent Tristan Evans of raising monkeys, neither to stray and nor to be found in the premises of Sitio Upper COC resulted from overwhelming disapproval in the consultative public hearing of the residents”.

Ayon kay Don Guevarra, public information officer ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) in Region 3 office, hindi bingyan ng permit ng Biodiversity Management Bureau ang pag-aapply ng monkey sanctuary dahil ang inapply na lugar ay isang residential area at hindi karapat-dapat o naayon pagtayuan ng ganoong animal facility.

Subalit ayon kay Evans na bumalik na sa Australia, walang katotohanan lahat ang bintang at mga reklamo ng grupo nina Ogoc at sa katunayan umano ay ito ang may mga kasalanan sa kanya at mayroong 600 iba pang residente ng Sitio Upper COC at ng barangay Bigte ang pumirma naman sa counter signature sa kanya.  

Sa panayam sa kanya ng NEWS CORE sa pamamagitan ng social media account, sinabi nitong hindi na siya babalik sa Bigte dahil may standing threat umano sa kanyang seguridad at katunayan umano ay mayroon siyang reklamo sa National Bureau of Investigation (NBI) laban sa ilang residente na tinakot umano siyang ipapapatay siya nito.  

Iyon umano ang dahilan kung kaya’t hindi na siya umattend sa patawag na hearing sa rekalmo laban sa kanya sapagkat natakot siya para sa kanyang seguridad.