PANDI, Bulacan–Lumagpas na sa tinatawag na herd immunity o nasa mahigit ng 110,000 ang mga nababakunahan mula sa 155,115 na mga residente sa bayang ito.
Ayon kay Mayor Enrico Roque, nasa 70.60% na ng nasabing populasyon nila ang nababakunahan. Ang Pandi aniya ay nagbabakuna ng 2,200 kada araw at lagpas ito sa atas at tagubilin ng Department of Health na 1,950 bakuna kada araw.
Ayon sa alkalde, dahil sa tuloy tuloy pa lalo ang dating ng mga bakuna ngayon sa Pandi mula sa national government ay nakikita niyang madali nilang makukumpleto ang two doses ng nalampasan na nilang herd immunity requirement ng kanilang bayan.
Ani Roque sa NEWS CORE, mabilis nilang naakyat ang herd immunity kahit hindi pa lahat sa 70.60% ay complete two doses dahil na rin sa tulong ng Metro Manila mayors.
Aniya, lumapit siya sa mga kaibigan niyang mayors sa Metro Manila noong hindi pa mabilis na katulad ngayon ang bumababa sa Pandi na mga bakuna dahil nag-aalala siyang mas madaling magkaka-COVID 19 at baka humantong sa kamatayan ang kanyang mga kababayan.
Isa umano sa masugid na tumulong sa Bayan ng Pandi ay si Mayor Francis Zamora ng San Juan.
Ani mayor, hinakot niya ang kanyang mga kababayan doon sa San Juan noong unang linggo ng Oktubre upang mabakunahan.
Pinasalamatan din ni Roque ang lahat ng sumuporta at tumulong sa kanyang bayan upang mapabilis ang pagbabakuna.
Kabilang din sa mga ito ang mga negosyante at mga medical front liners na nag volunteer na libreng magbabakuna.
Ayon kay Dr. Hjordis Marushka Celis, Bulacan COVID-19 Task Force vice chair, ang Bulacan ngayon ay nasa 73-75% na ng 2.8 million required herd immunity ang nababakunahan, more than 40 % ang first dose at nasa 35% ang fully vaccinated. Ang Bulacan ay may populasyong mahigit 3.2 milyon.