Ni Carmela Reyes-Estrope at Anton Luis Reyes Catindig
NORZAGARAY, Bulacan–Bumaba ng Bulacan si PNP Reg. 3 Director Police BGen Matthew Baccay noong Biyernes para sa kanyang first command visit sa rehiyon at pinaalalahanan ang mga kabaro na patuloy na pag-ibayuhin ang pagpoproteksiyon sa mamamayan kontra krimen at sila ay dapat ding manatiling non-partisan sa darating na halalan sa 2022.
Kasabay nito ay dinayo naman ni Col. Fitz Macariola, Reg. 3 PNP Mobile Force Group commander at kanyang mga tauhan ang nasa 300 Dumagat tribe members sa Norzagaray at Doña Remedios Trinidad (DRT) para sa isang maagang Christmas gift giving sa ilalim ng Barangayanihan Legacy Project ni Pangulong Diterte.
Mainit na sinalubong ni Bulacan Police Director Col. Manuel Lukban Jr. si Baccay sa Bulacan Provincial Police Office Headquarters sa Camp Gen. Alejo Santos sa Lungsod ng Malolos na katatalaga pa lamang na bagong PNP Region 3 director noong Lunes, Nobyembre 1.
Binati ni Baccay ang buong puwersa ng kapulisan ng Bulacan sa maigting na performance laban sa lahat ng uri ng krimen at hinimok niya itong lalo pang pagbutihin ang ganitong mataas na kalidad ng trabaho.
Sinabi niya na dapat ang mga chiefs of police ay two steps ahead kontra krimen upang maging ligtas ang pamayanan.
Gayundin, pinaalalahanan niya ang kanilang hanay na sila ay dapat na manatiling non-partisan sa darating na halalan.
“Bilang tayo ay mga deputies ng Commission on Elections sa panahon ng halalan, tayo ay dapat na impartial at non-partisan. Bilang pangunahing law enforcement ng bansa, ang lahat ng ating resources ay dapat nating ituon para sa pagkakaroon ng peaceful and orderly election,” aniya.
Binalaan niya rin na ang sino mang miyembro ng kanilang hanay na magbibigay ng batik at sisira sa imahe ng organisasyon ay tatanggalin.
Habang nasa Camp Alejo si Baccay, nagdala naman ng maagang ngiti sa labi at sa puso ng mga Dumagat tribe lalo na sa mga bata sa kanilang komunidad sa kabundukan sa Sitio Dike, Barangay San Lorenzo, Norzagaray at Sitio Iyak, Barangay Kabayunan, DRT si Col. Fitz Macariola, Force Commander ng PNP Regional Mobile Group Command kasama ang kanyang mga tauhan.
Nasa 300 food packs, tsinelas, toys, bags, clothes ang ipinamigay sa dalawang sitios. Nagdala rin ng sariling banka ang mobile force group upang ihatid sa kabilang Sitio Iyak ang nasabing packs of goods. Kabilang sa inihatid na regalo sa Sitio Iyak ay ang 6 na solar lamps.
Ayon kay Macariola, ikalawang beses na nila iyong ginawa sa lugar sa ilalim ng Barangayanihan Legacy Program ni Pangulong Duterte at sa pamamagitan ng mga private partners na naghandog ng mga ipinamigay.
Sakop din ng trabaho ni Macariola ang pagbabantay sa kabundukang lugar sa rehiyon, partikular ang Angat Dam sa Bulacan, kung saan, ang paligid ng reservoir na ito ay pinaninirahan ng tribong Dumagat.
“Hindi ito ganoon kadami, ito ay abot lang sa nakayanan namin, pero marami rin tayong napasaya at naramdaman namin ang saya sa kanilang puso na nadalaw natin sila kahit sila ay nasa bulubunduking lugar, dinalan natin sila ng kahit kaunting pagkalinga,” ani Macariola sa NEWS CORE.
Halos mag-agawan naman sa mga laruan ang mga bata at tuwang tuwa sila ng makakuha nito. Ang ibang umiyak pa dahil hindi nakuha ang gusto nilang laruan ay partikular na nilapitan ng mga pulis upang bigyan.