SIYUDAD NG MALOLOS, Bulacan, Philippines–Ginawaran ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ng parangal na Order of Lapu-lapu ang mga bayaning Bulakenyo Marcelo H. Del Pilar at Gregorio S. Del Pilar sa kanilang mga monumento sa harapan ng Capitolyo sa pagdiriwang ng ika-123 Araw ng Kalayaan kahapon.
Isa umanong genius si Marcelo Del Pilar na kilala rin sa tawag na Plaridel sa larangan ng panulat lalo na sa pagsiwalat ng mga katiwalian at kaguluhan sa ilalim ng pamamalakad ng mga banyaga at si Gen. Gregorio S. Del Pilar naman bilang Bayani ng Tirad Pass at isang magiting na heneral na nag-alay ng buhay para makamit ang kalayaang matagal ng minimithii ng ating bansa.
Ang Order of Lapu-lapu ay parangal na ipinagkakaloob ng Pangulo ng Pilipinas sa isang Pilipino na nagpamalas ng kahusayan at kagalingan sa larangan ng kanyang adbokasiya.
Ayon sa Pangulo, sinadya niya umanong sa Bulacan niya itaas ang bandila ng Pilipinas sa ngayong taon ng Araw ng Kalayaan upang mabisita ang lupang tinubuan ng mga bayaning sina Del Pilar at ibigay ang parangal na nararapat sa kanilang kabayanihan.
Nais nga rin daw niyang tunguhin ang Tirad Pass upang magpugay din sa batang heneral.
Tinanggap ni Marita Santos, isa sa mga descendants ni Gregorio S. Del Pilar ang nasabing parangal. Si Santos ay miyembro bg Kabesera, isang historical and cultural group sa Bayan ng Bulakan, ang bayang sinilangan ng dalawang bayani kung saan nakatayo ang kanilang mga dambana.
Ayon sa Pagulo, noong isang taon umano ay sa Malabang Lanao del Norte siya nagtungo kung saan ay doon pinatay ang bayaning si Jose Abad Santos. Ang naturang bayani aniya ay mas ninais pa ang ialay ang kanyang buhay sa bayan kaysa mag pledge ng allegiance sa Japanese Imperial Army noong panahon ng pananakop ng Hapon.
Biro ng Pangulo, nakakatuwa na ang Luzon, lalo na ang Bulacan ay pinagmulan ng mga bayani samantalang sila doon sa Mindanao ay pinagmulan ng mga kontrabida.
“Mabuti kayo dito sa Luzon at sa Bulacan, maraming bayani. Hindi katulad doon sa amin sa Mindanao na mga kontrabida” pahayag niya.
Ang solidarity at pagkakaisa umano nating mga Pilipino ang siyang susi ng ating patuloy na kasarinlan.