PANDI, Bulacan–Napuno ang Amana Water Park Resort ng mga batang 5-11 years old at maging 12-17 years old ngayong Martes ng binigyan sila ng maagang pa summer swimming ni Mayor Enrico Roque bilang isang paraan upang hikayatin silang magpa-bakuna.
Tinatayang kulang 1,000 mga kabataan na ganoong mga edad ang dumagsa sa nasabing resort kasama ang kanilang mga magulang hindi lamang upang magpa-bakuna kundi upang mag-babad din sa tubig at mag-enjoy ngayong umpisa na ng tag-init.
Baon ang kanilang pang-swimming ay inuna muna ni Trixie Mae Cananua, 11 anyos at grade 11 ang lumangoy sa wave pool ng resort.
Nagrerelax muna umano siya upang mawala ang takot at kaba at pagkatapos ng ilang oras lang ay magpapabakuna na siya.
Ang 5 year old grade 1 pupil naman na si Zyana Viel Delos Reyes mula sa Barangay Pinagkuwartelan ay matapang na nagpabakuna kasama ang kanyang lola.
Ibinukas ni Mayor Rico sa mga bata ang pribado niyang pag-aaring resort upang bigyan ng katuwaan at munting kasiyahan ang mga bata na nakulong ng dalawang taon sa bahay dahil sa COVID-19 pandemic. Gayundin, higit sa lahat, pa bonus niya sa mga bata ang libreng swimming basta sila ay magpapabakuna rin ng araw na iyon.
Mahigit 10 vaccinator ng munisipyo ang naroon sa Amana at inasikaso ang pagbabakuna sa mga kabataan.
Puspusan ang ginagawang mga efforts ng bawat munisipyo at lungsod sa lalawigan sa ngayon upang mabakunahan na ang mga 5-11 years old nang sa ganoon ay makapasok na ang mga ito sa in person o face to face classes.
Ayon kay Zenia Mostoles, Bulacan Schools Division Superintendent, hiniling niya ang pakikipagtulungan ng mga mayors sa Bulacan upang mapabilis ang pagbabakuna sa mga bata upang payagan na itong makabalik sa classrooms.
Hindi natuloy ang naunang programa ng DepEd sa Bulacan na kahit na hindi bakunado ay maaari na ring tanggapin sa in person classes ng mahigpit na itinagubilin ni Gob. Daniel Fernando, chair ng Bulacan COVID-19 Task Force noong linggo ng gabi, bago ang kinabukasang Lunes ng umagang balik-eskuwela na hindi niya pinahihintulutang maka-attend sa face to face classes ang mga mag-aaral na hindi pa bakunado para siguraduhin ang kanilang kaligtasan mula sa maaring pagkahawa ng sakit na COVID-19.
Nag-umpisa ang vaccination ng mga 5-11 years old noong Peb. 14 subalit kaunti lamang na vaccines ang dumating at ngayong linggo pa lamang dumating ang bulto nito, ayon kay Dr. Hijordis Marushka Celis, vice chair ng Bulacan COVID-19 Task Force.