Simbolikong tinanggap ni San Ildefonso Mayor Fernando "Gazo" Galvez ang susi ng coaster na handog ng Eagle Cement Corporation mula sa mga opisyales nito matapos ihatid na sa munisipyo ang mismong unit ng sasakyan nito lamang nakaraang linggo. Contributed photo

SAN ILDEFONSO, Bulacan–Nagkaroon na agad ng katuparan ang hangad at naisip na proyekto ng alkalde ng bayang ito na magkaroon ng isang service coaster ang pamahalaang bayan na magagamit ng mga barangay sa mga importanteng mobilisisasyon ng mga residente pangunahin na ang service ng mga nakikiramay para sa libing ng kanilang kabarangay. 

Nitong Biyernes, Pebrero 10 ay tinanggap ni Mayor Fernando “Gazo” Galvez kasama ang iba pang mga opisyales ng bayan ang isang unit ng coaster na handog ng Eagle Cement Corproation. 

Taos-pusong nagpapasalamat si San Ildefonso Mayor Fernando “Gazo” Galvez sa mga opisyales ng Eagle Cement Corporation sa handog nilang coaster para sa kanyang mga kababayan. Contributed photo

Pag-upo pa lamang sa puwesto bilang bagong alkalde ng San Ildefonso noong Hulyo 2022 ay isa na ang funeral barangay service vehicle sa pangunahing naisip na proyekto ng alkalde. Ganunpaman ay hindi agad makabili ang pamahalaang bayan dahil sa limitadong budget kung kaya’t gumawa ng paraan ang punong-bayan sa pamamagitan ng paghingi ng tulong sa Eagle Cement na nag-ooperate sa bayang ito.

Agad namang positibong tumugon ang nasabing kumpanya at ipinagkaloob ang nasabing sasakyan.

Ang ginanap na Mobile Gamutan sa Barangay Sta. Catalina Matanda at Sta. Catalina Bata. Contributed photo 

Nasa mahigit 30 katao ang maaring ilulan ng coaster na hiramang magagamit ng 36 na mga barangay ng San Ildefonso. 

Konsehal pa lamang si Mayor Gazo ay nakita na nito ang pangangailangan ng kanyang mga kabababayan ng ganitong uri ng sasakyan lalo na ang mga nakatira sa dulong mga barangay kung saan nagiging malaking problema ang sasakyan kapag oras ng libing sapagkat walang masakyan ang mga makikipaglibing o maging mismong pamilya ng namatayan lalo na at sa malayong lugar ang sementeryong paglilibingan. 

Ang ginanap na Mobile Gamutan sa Barangay Sta. Catalina Matanda at Sta. Catalina Bata. Contributed photo 

Ani ng alkalde, mas napapagastos ang mga barangay at ang munisipyo sa pag-aarkila ng sasakyan kapag kailangan ito kaya’t naisip nito na dapat magkaroon ng service coaster dahil ito ay naglululan ng mahigit 30 katao kumpara sa ordinary van na hanggang 18-20 katao lamang ang maaaring ilulan. 

Nauna rito ay ang proyekto ng mayor na pagbibigay ng mas malaking tulong pinansiyal sa mga nagda-dialysis na mga residente at ang nakatakdang pagtatayo ng sariling dialysis center ng pamahalaang bayan. 

Ang ginanap na Mobile Gamutan sa Barangay Sta. Catalina Matanda at Sta. Catalina Bata. Contributed photo 

Gayundin, patuloy ang Mobile Gamutan sa Barangay ni Mayor Gazo na isa rin sa kanyang pangunahing proyekto. 

Nitong nakaraang araw ay nasa humigit kumulang 500 mamamayan ng Barangay Catalina Matanda at Bata ang nahatiran ng libreng konsultang medical, dental kasama ang feeding programs sa mga bata, pagbibigay ng vitamins gayundin ang resbakuna.