BULAKAN, Bulacan–Nagpahayag ang mga taal na residente ng Taliptip barrio proper sa bayang ito na hindi nila ibebenta ang kanilang mga tinubuan at kinatitirikang lupa para magamit sa Right of Way ng proposed P745-Billion new international airport sa kanilang lugar.
Ang pahayag ay sa gitna ng pagkabahala ng mga mamamayan sa pangunguna ni Chief Renato Samonte Jr., hepe ng Special Projects Division ng Department of Justice at retired Bulacan Provincial Prosecutor matapos makatanggap ng “Letter of Acquisition for Right of Way” ang ilang mga residente kabilang si Juliana Samonte, isang yumao niyang kamag-anak.
Ipinadala ni Edgar Dona, isang authorized representative ng San Miguel Aerocity Inc. (SMAI), ang nagpapatupad at tagapangasiwa ng nasabing airport project, ang “Right of Way Acquisition Letter for the new Manila International Airport,” noong Agosto 11. Ayon sa sulat, ang lupa na may sukat na 4.14 square meter na mahigit P1-milyon ang halaga at ang 13,743 sq.m. na may halagang P6.8 milyon ay kakailanganin para sa right of way ng itatayong airport.
Ayon din sa sulat, sa ilalim ng Right of Way Act ng San Miguel Aerocity Inc. SMAI, may karapatan silang bilin ang pag-aaring lupa na kakailanganin sa proyekto.
“Under the Right of Way Act, the SMAI will shoulder the capital gain tax, transfer tax, documentary stamp tax, [and] registration fees. However, if you refuse or fail to accept the offer price or fail to submit the documents necessary for payment within 30 days, the SMAI shall be constrained to file for an expropriation case before a court of appropriate jurisdiction in which case the lot owner shall pay the capital gains tax at the rate of 6 percent of the gross purchase price of the affected area,” pahayag pa sa nasabing sulat.
Isinaad din sa sulat na ang SMAI ay may karapatang isagawa ang expropriation base sa ipinasang batas, Republic Act No. 11506, na nagbigay ng kapangyarihan na itayo ang “airport city.”Ayon kay Samonte, sa isang pakikipag-usap niya kay Noriel Aragon, isa ring representante ng SMAI, nabatid niyang maraming lupa ang tatamaan ng right of way at bibilin ng SMAI.
Ikinagulat ito ni Samonte. Aniya, sapat sapat na marahil ang napakalawak at napakalaking 2,500 hectares na mga idle fishponds sa coastal area ng kanilang barangay na nabili na ng San Miguel Corp. (SMC) para sa itatayo nitong airport.
“Excited kami at masaya sa airport project sa aming lugar dahil hindi lang ang aming Barangay Taliptip ang uunlad, kundi maging ang buong Bayan ng Bulakan at gayundin ang buong lalawigan. Pero kung ganyan ang mangyayari, hindi kami sang-ayon diyan, hindi namin ipagbibili ang aming mga kinatitirikang kabahayan at lupa para sa right of way ng airport project. Napakalaki na ng nabili ng SMC. Hindi na nila ito dapat kunin pa,” pahayag officer of law sa NEWS CORE.
Sa Taliptip umano nag-ugat ang kanilang lahi, doon sila at buo nilang pamilya lumaki at naninirahan at doon din sila mamamatay, dagdag pa niya.
Ayon kay dating Konsehal Cadio Mendoza, kapatid ni Sandiganbayan Associate Justice Maria Theresa Mendoza-Arcega at Konsehal Oya Mendoza na mga tubong Taliptip, ang kanilang angkan kasama ang iba pang malalaking lahi sa Taliptip, bukod pa sa nga Samonte– Dela Cruz, Delos Santos, Villanueva, Ramos, Concepcion, Isidro, Almindres, atbp. ay hindi rin magbebenta ng kanilang lupa at ari-arian para sa nasabing international airport.
Nagpahayag din si Mendoza ng pangamba na base sa kapangyarihan ng RA 11506 ay maaaring mas marami pang sakuping lupa o mga kabahayan ang airport project.
Ayon sa kanya, nasa humigit kumulang 300-500 households o kabahayan sa lupang may lawak na 52 hectares o halos kalahati ng buong barrio proper ng Taliptip ang pinapangambahan nilang maaaring maapektuhan ng right of way acquisition.
Sa panayam din ng mga reporters kay Taliptip Barangay Captain Michael Ramos, sinabi nitong hindi niya alam ang pamimili ng lupa ng SMAI para sa right of way bagama’t dahil pribadong pag-aari ng bawat indibidwal o pamilya ang kani-kanilang lupa ay wala namang makapagbabawal sa kanila na ipagbili ito kung nais nila.
Ganunpaman aniya ay hindi rin siya sang-ayon na mabili ang kalahati ng barangay hanggang sa mabura ang komunidad at maging pag-aari na lamang ito ng airport.
Agad umano niyang pinulong ang mga kagawad ng barangay upang pag-usapan ang dapat nilang gagawing hakbang tungkol sa usapin. Sinabi nito sa mga reporters na magpapasa sila ng isang resolusyon na nagsasabing hindi nila papayagang mabili ang kalahati ng barangay upang maging right of way ng airport.