
LUNGSOD NG MALOLOS — “Tinaguriang gateway to the north, ngunit sa malapit na hinaharap, ang Bulacan ay magiging gateway to the world. Pinagsisikapan naming ipakilala ang Bulacan hindi lamang bilang isang stopover, kundi bilang top pick at must-see travel destination.”
Ito ang naging mensahe ni Gobernador Daniel R. Fernando sa mga Bulakenyo sa ginanap na Grand Opening Program ng Singkaban Festival 2025 kahapon, Setyembre 8, sa Bulacan Capitol Gymnasium, kung saan ipinangako niyang higit pang pauunlarin at palalaguin ang sektor ng turismo sa ilalim ng kaniyang pamumuno.
“Ang Bulacan ay hindi na dadaanan lamang, kundi lalawigang bibisitahin, mamahalin, at babalik-balikan,” dagdag pa ng gobernador.
Ipinagmalaki rin ni Fernando ang pagkilala sa Bulacan bilang 3rd Safest Place in the Philippines para sa 2025 batay sa World Travel Index—isang patunay sa pangako ng kaniyang administrasyon na gawing pangunahing destinasyon ang lalawigan.
Kasabay nito, nanawagan siya sa mga lokal na lider ng Bulacan na paghusayin pa ang kanilang paglilingkod at binigyang diin ang kahalagahan ng tapat at makataong pamamahala sa gitna ng mga isyu hinggil sa diumano’y anomalya sa mga flood control project.
“Nananawagan ako sa lahat ng mga nanunungkulan sa ating lalawigan. Sama-sama po tayo, pagbutihin po natin ang ating panunungkulan. Sa gitna ng mga isyung ito, ipinapangako kong hindi ko hahayaang tuluyang lumubog ang hustisya para sa ating lalawigan,” ani Fernando.
Samantala, si Department of Tourism Secretary Christina Garcia Frasco, na kinatawan ni Undersecretary for Special Projects Ferdinand C. Jumapao, ay nagpahayag ng papuri sa mga Bulakenyo sa kanilang pagkakaisa upang itaguyod ang turismo sa lalawigan sa pamamagitan ng Singkaban Festival ngayong taon.
“Ang tunay na tagumpay ng turismo ay nakasalalay sa pagtutulungan ng lahat. At dito, nakita natin sa probinsya ng Bulacan, na lahat ng mga Bulakenyo ay nagtutulungan para umangat ang turismo,” aniya.
“Ang Singkaban Festival ay patunay na kahit ano ang gawin, sa pagkakaisa, sama-sama nating mapapanatili ang ating mga tradisyon habang lumilikha ng mga bagong oportunidad para sa pag-unlad,” dagdag pa ni Jumapao.
Dumalo rin ang tourism undersecretary sa ribbon cutting ng Tatak Singkaban Trade Fair 2025 na inorganisa ng Provincial Cooperative and Enterprise Development Office (PCEDO) sa harap ng gusali ng Regional Trial Court.
Samantala, nasa 48 na float mula sa iba’t ibang lokal na pamahalaan, ahensiya, at mga korporasyon sa buong lalawigan ang pumarada sa mga kalsada ng Lungsod ng Malolos matapos ang opening program, tampok ang makukulay na kultura at tradisyon ng bawat bayan at lungsod sa Bulacan.
########
———————–The article provided is authorized for use, and represents solely the author’s personal opinions. Please contact us in the event of any potential infringement.