Si Bocaue Vice Mayor Atty. Sherwin Tugna kasama ang kanilang apat na anak ng namayapa niyang kabiyak, Mayor Joni Villanueva habang nanunumpa sa kanyang tungkulin kay Bulacan RTC Executive Judge Olivia Escubio-Samar nitong Huwebes. Larawan ni Anton Luis Catindig

BOCAUE, Bulacan–Hindi lang pangungunahan ang pagpapanukala at pagpapasa ng  makabuluhang mga ordinansa na magsusulong sa higit pang kaunlaran ng bayan ng Bocaue ang isasakatuparan ni Vice Mayor Atty. Sherwin Tugna sa atas ng kanyang tungkulin kundi ang direktang makatulong makapagbigay ng trabaho sa mga kababayan.


Ito ang ipinahayag ng bagong halal na bise alkalde ng ito ay pormal na manumpa sa kanyang tungkulin kay Bulacan regional trial court Executive Judge Olivia Escubio-Samar sa municipal covered court nitong Huwebes. 


Ayon kay Tugna, hiniling niya kay Mayor Eduardo “JJV” Villanueva na siya ay payagang magkaroon ng bahagi sa tanggapan ng Public Employment Service Office (PESO) upang makapagbigay siya ng mas maraming trabaho at kabuhayan sa kanilang mga kababayan.


Nakipag-ugnayan na umano siya sa mga national government agencies tulad ng Department of Labor and Employment (DOLE) Technical Education Skills and Development Authority (TESDA) at iba pa.


Gayundin, direkta siyang magbibigay tulong para sa pangangailangan ng kanyang mga kababayan sa larangan ng kalusugan at social services. 


Matapos umano siyang maiproklamang nanalong vice mayor noong May 10 ay agad niyang sinimulan ang mga hakbang para isakatuparan ang mga proyektong ito. 


Binansagang “Mr. Mayor Joni,” bilang kabiyak ng namayapang si Mayor Joni Villanueva, hindi nakuhang umayaw at talikuran ang tawag ng paglilingkod-bayan sa Bocaue upang bukod sa sa ituloy ang legacy ng paglilingkod ng yumaong asawa ay makapag-ambag din ng kanyang sarili para sa minamahal nilang Bayan ng Bocaue. 


Nagpasalamat siya sa tiwala ng kanyang Kuya JJV sapagkat siya ang kinuhang vice mayor nito. Gayundin, nagpasalamat ang biyudo ni Mayor Joni sa kanyang father-in-law na si Deputy Speaker Bro Eddie Villanueva, isa pang bayaw–Senator Joel Villanueva at kay Jovi Villanueva-Binalla, ang kapatid na babae ng kanyang namayapang asawa at sa iba’t ibang sektor kabilang ang lahat ng religious groups, TODA, LGBT, senior citizens, PWD, solo parents, iba ibang brotherhood and fraternities at iba pang mga sektor na tumangkilik sa kanya nitong nagdaang eleksiyon. 

Isang abogado at negosyante, siyam na taong naging kongresista si Tugna bilang Citizens Battle Against Corruption (CIBAC) party list representative. 


Nais na lamang sana nitong ibigay ang higit niyang oras sa kanilang apat na anak ng kanyang maybahay, subalit sa dulo ay nanaig pa rin sa kanya ang pagmamahal sa mga kababayang Bocaueños na pinag-alayan ng buhay ng kanyang kabiyak.


Namatay sa sakit si Mayor Joni noong Mayo 28, 2020 matapos lumala ang isang karamdaman dahil sa hindi nito alintanang pagod at puyat sa paghahanda ng mga ayuda sa kanyang mga kababayan sa kalagitnaan ng mataas na mga kaso ng COVID-19. 


Tinalo ni Tugna ang kalabang si dating Konsehal Kent Valdez sa botong 42,001-21,181.