Mayor Fernando "Gazo" Galvez. Photo from his Facebook page

SAN ILDEFONSO, Bulacan–Mahigit isang buwan pa lamang nauupo bilang bagong alkalde ng bayan, ramdam na agad ang ibayong pagkalinga ni Mayor Fernando “Gazo” Galvez sa mga mamamayan ng San Ildefonso lalong-lalo na ng mga kapos-palad na may sakit.

Ang mga nagda-dialysis ay binibigyan ng tulong na tig P3,000 tuwing kinsenas at katapusan habang hinihintay itayo ang gusali at kagamitan sa San Ildefonso Dialysis Center kung saan magiging libre ang dialysis ng bawat may sakit na mamamayan ng San Ildefonso na nangangailangan nito.

Ang bawat may sakit na kailangan ng chemo therapy ay bibigyan ng P10,000 sa tuwing session nito o gamutan. 

Sa ngayon ay umaarangkada na ang ipinagpatuloy ng alkalde na Mobile Gamutan sa Barangay kung saan ang mga nasa dulong barangay na kailangang magpa-check up sa doctor subalit walang sapat na kakayahang pamasahe papunta sa clinic o ospital sa kabayanan ay siya na mismong sinasadya ng mga doctor at nahahatiran ng kailangang mga gamot. 

Bilang isa lamang konsehal ng bayan ng pinairal ang mga lockdowns dahil sa COVID-19 noong 2020 at 2021 hanggang bago siya mahalal bilang alkalde ng bayan, ngayong mayor na siya ay hindi itinigil ni Mayor Gazo ang pagbibigay ng ayuda sa mga pamilya na tinatamaan ng nasabing sakit at nasa ilalim ng home quarantine o isolation.

Isang kilong hotdog, mayroong bigas, itlog, manok at iba pa ang dumadating sa harapan ng bahay ng mga may COVID-19 handog ng pamahalaang bayan sa utos ng alkalde. 

Ang COVID-19 “ayuda” packs na kasalukuyang ipinamamahagi ni Mayor Fernando “Gazo” Galvez. Photo from his Facebook page

Sa pinakahuling tala nitong Huwebes, Agosto 18 ay may 17 active COVID-19 cases ang San Ildefonso.

Sa edukasyon naman, ibinahagi ng punong-bayan na gagawin niyang 6,000 ang kabataang benepisyaryo ng scholarship program ng munisipyo mula sa 3,000 ng nakakaraan.

Magsasagawa din ng skills training sa munisipyo para sa mga Out of School Youth na interesadong matuto ng mga panghanapbuhay na mga talento at gawain upang magkaroon sila ng kaalaman para makapasok sa trabaho o kaya ay magtayo ng sarili nilang negosyo.

Ang mga senior citizens ay dadagdagan din ng pondo at ayuda. 

Ang COVID-19 “ayuda” packs na kasalukuyang ipinamamahagi ni Mayor Fernando “Gazo” Galvez. Photo from his Facebook page

Ipinagmalaki din ng alkalde na ang laang pondo ng pamahalaang-bayan upang ipambili ng kanyang bagong service na sasakyan ay hindi niya lubusang gagastusin para dito bagkus ay ibibili niya ng multi-purpose service vehicle ng barangay upang makatipid ang mga barangay na tuwi-tuwina ay umaarkila kapag kailangan ng sasakyan. 

Ito ay ilan lamang sa mga pangunahing programa ng alkalde sa nasabing larangan ng kalusugan at edukasyon dahil mas marami pa ang mga nakalinyang isakatuparan sa lalong madaling panahon bilang pagtugon sa kanyang mga kababayan habang patuloy na lumalaban pa rin ang buong daigdig kontra COVID-19. 

Sa ibang aspeto tulad ng imprastraktura, kabuhayan, turismo, kapaligiran at kalikasan at kultura ay nakagayak din ang mga proyekto ng alkalde. 

Sa loob ng kanyang unang tatlong panunungkulan ay nakatakdang paliitin ni Mayor Gazo ang bilang ng mga mahihirap at walang trabaho sa kanyang bayan at ito ay palalawigin pa niya hanggang siya ay nanunungkulan na inaasahan niyang mananatili sa loob ng 9 na taon hanggang sa lalo pang lumiit ng lumiit ang bilang ng mga dukha sa kanyang mahal na bayan.