LUNGSOD NG MALOLOS–Isang masidhing gabay at inspirasyon para sa kanyang ikalawang anim na taon ng paglilingkod sa sambayanan bilang senador ang manumpa para sa kanyang tungkulin sa bakuran ng Barasoain Church upang ipaglaban at ipanalo rin ang ngayong mapanghamong giyera dala ng makabagong panahon matapos na ipanalo noon ng mga bayani ng ating lahi ang kasarinlan at demokrasya sa mismong nasabing lugar.
Ito ang pahayag ni re-elected Senator Joel J. Villanueva sa kanyang talumpati ng manumpa siya sa kanyang tungkulin kay Barangay Captain Robin Del Rosario ng Bunlo, Bocaue sa harapan ng Barasoain Church nitong Lunes.
Sadyang nananatiling napakalaking hamon umano para sa sambayanang Pilipino at sa katulad niyang halal na lider ng bansa ang pagbangon mula sa pandemya at gayundin ang kahirapan, ang korupsiyon, maging ang fake news, ang kailangang pagsulong pa lalo ng edukasyon at ng trabaho para sa bawat Pilipino.
Kaya naman ito umano ang kanyang itutuloy-tuloy na pagtuunan ng pansin sa pamamagitan ng expansion ng mga batas na ipinanukala niya at ganap ng ipinapatupad maging ang kasalukuyang dinidinig at mga bago pang panukalang kanyang ihahain para sa nasabing mga problema at pangangailangan ng maraming sektor.
Kabilang din sa kanyang nauna na at patuloy na pagtutuunan ng pansin ay ang sektor ng mga senior citizens, migrant workers at lalo’t higit ang sektor ng mga manggagawa at kabataan.
Ipinagmalaki ng senador ang pagiging isang lahing Pilipino at dugong Bulakenyo kung saan ang Malolos Constitution na ipinanukala sa Barasoain Church Sa siyudad na ito noong Setyembre 15, 1898 ang siyang naging ganap na kasarinlan ng bansang Pilipinas dahil binalangkas sa okasyon na iyon ang kalipunan ng mga batas sa bansa.
“Dito naglakad ang mga leaders ng ating bansa, ito ang duyan ng demokrasya ng bansang Pilipinas, ipinagbubunyi kong ako’y isang lahing Pilipino, isang dugong Bulakenyo,” pahayag niya.
Sa kanyang unang anim na taon sa senado, 155 sa 500 panukalang batas na kanyang inihain ang ganap ng ipinatutupad na batas. Kabilang dito ang House Bill 477, o ang First Philippine Republic Day Act na pagdeklara bilang isang national working holiday ang nasabing kaganapan. Ang Philippine Republic Day noong Enero 23, 1899 ay ang ratipikasyon ng Malolos Constitution kung kaya’t naging ganap na ang kasarinlan ng bansa at tinawag itong The First Republic in Asia.
Higit sa lahat, kabilang pa ang RA 10022 Migrant Workers Act; RA 11509 Doctor Para Sa Bayan Law; RA 11506 Domestic and International Airport Law (New Manila International Airport in Bulakan town); RA 11546 Bulacan Redistricting Law; RA 11506 Joni Villanueva Hospital, RA 11696 Marawi Siege Victims Compensation Act of 2021, Senate Bill 2506 o ang Double Compensation for Senior Citizens sa mga pinakamalalaking batas na kanyang inakda.
Si Villanueva rin ang nasa likod ng programang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Displaced/Disadvantage Workers (TUPAD) na emergency jobs para sa mga nawalan ng hanapbuhay dahil sa COVID-19 pandemic taong 2020 and 2021.
Sa P3,000-P5,000 suweldo sa 10 araw na trabaho, mula P6-bilyong pondo na inilabas ng gobyerno noong unang taon ay P19-bilyon na ng sumunod na taon kaya libu-libo ang dami ng mga nabigyan ng hanapbuhay.
Sa inihaing Senate Bill 1456 ng senador noong isang taon, isasabatas na ang TUPAD program upang tulungan ang mga mamamayan na magkaroon ng hanapbuhay kung may tumama na namang kalamidad o pandemya sa bansa. Nasa P49-bilyon na ang pondong nakalaan dito.
Ayon sa senador, sa ngayon ay 26.14 milyong Pilipino ang nakakaranas ng kahirapan, 2.76 milyon ang walang trabaho at 6.4 milyon naman ang nasa kategoryang underemployment habang ang utang ng Pilipinas ay umabot na sa P12.76 trillion.
“Ang bawat isang batang kasisilang pa lamang ay may P115,000 halagang utang,” pahayag nito. Ang Pilipinas ay may 112,496,665 na populasyon.
Si Villanueva ay pang-9 sa 12 nanalong mga senador nitong nagdaang May election sa botong 18, 846,043.
Ayon sa kanya, nanumpa siya sa isang kapitan dahil si Kap. Del Rosario ay isa sa 42,046 na mga halal ng bayan na direkta at pinakamalapit sa paglilingkod sa sambayanan o 112,496,665 na mga Pilipino.