BALIWAG, Bulacan—Isa na ngang lungsod ang bayan ng Baliwag matapos aprubahan ito ng mga residente nito– 75-25% (o 75% ang bumoto ng yes at 25% ang bumoto ng no) sa ginanap na plebisito nitong Sabado.
Sa 23,572 o 21.70% na bumoto mula sa 108,572 registered voters sa 591 precincts sa 27 na barangay, 17,814 (75.60%) ang pumabor at nagsabi ng yes at 5,702 ang nagsabi ng no (24.16%).
Opisyal na pinroklama ni Baliwag Election Officer Edna Gener na siya ring Chairman of Board of Canvassers ng plebisito kasama ang iba pang Commission on Elections (Comelec) officers tulad ni Gina Llave ang panalo ng yes votes at ang pagiging lungsod ng Baliwag bandang 10:15 ng gabi matapos ang apat na oras na canvassing na sinimulan ng 6:00 ng gabi , tatlong oras pagkaraang isara o matapos ang walong oras, 7:00 ng umaga -3:00 ng hapon na botohan.
Bagama’t mababa ang turn out o bilang ng mga botante na bumoto, nanaig pa rin ang boses ng mga mamamayan at isang matamis na panalo ang nangyari, ayon kay Mayor Ferdinand “Ferdie Estrella”.
Matapos maiproklama ay hinawi agad ng alkalde ang tabing ng bagong sementong pangalan ng Baliwag sa tuktok sa harapan ng gusali ng munisipyo na nagsasabi na isa na itong siyudad, “Pamahalaang Lungsod ng Baliwag”. Nagliwanag din ang gabi sa dakong iyon ng bagong panganak na siyudad matapos ang isang fireworks show at tila ito ay naging isang new year party celebration dahil din sa pagtugtog ng mga banda ng musika at malimit na kantahin ang “Yes to Baliwag City” hymn.
“Nagsalita na ang mga mamamayan ng Baliwag, lungsod na ang ating bayan kaya nagpapasalamat tayo sa ating mga kababayan sa pagpapahalaga nila sa kinabukasan ng ating mahal na Baliwag,” pahayag ng alkalde sa NEWS CORE.
Ang plebisito ay itinakda noong Disyembre 17 matapos maging batas ang pagiging lungsod ng Baliwag sa pamamagitan ng Republic Act 11929, “An Act Converting the Municipality of Baliwag in the Province of Bulacan into a Component City,” na naging batas noong Hulyo 2022.
Ang batas ay ipinanukala ni dating Second Bulacan District Congressman Gavini “Apol” Pancho noong 2021.
Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garica, ang lungsod ay may opisyal na pangalang nairehistro sa ilalim ng RA 11929 na may letrang “w” at hindi ang nakasanayan o isa pang spelling ng pangalan ng bayan gamit ang mga letrang “uag” (Baliwag vs. Baliuag).
Ang Lungsod ng Baliwag ang ika apat na siyudad ngayon sa Bulacan at ika 147 sa bansa at pang-109 sa mga Component Cities sa buong bansa habang mayroon ang Pilipinas na 33 Highly-Urbanized cities or (HUC) at 5 Independent Component Cities.
Ikinagalak din ng alkalde ang panalo ng pagiging lungsod ng Baliwag dahil ito ay nakamit sa unang pagtakda lamang ng plebisito at hindi dumanas ng pagkabigo o kailangang mag-second attempt kumpara sa iba pang naunang mga lungsod sa lalawigan.
Hindi makakapekto ng masama o magtataas ng buwis ang pamahalaan ng Baliwag sa pagiging lungsod nito dahil nakasaad sa RA 11929, sa Section 74 ng Article IX nito o Transitory and Final Provisions ang suspension ng pagtaas ng ano mang buwis sa loob ng 5 taon.,“Suspension of Increase in Rates of Local Taxes. — No increase in the rates of local taxes shall be imposed by the City within the period of five (5) years from its acquisition of corporate existence”.
Ayon sa alkalde, inaasahang aakyat sa P1-bilyon ang magiging budget ng lungsod ng Baliwag ngayong papasok na 2023 mula sa pinaghalong ibababang budget ng national government o National Treasury Allotment (may unang pangalan na Internal Revenue Allotment) bilang isa ng siyudad at mula sa local income.
Unang salvo o priority project naman ng lungsod ang pagpapagawa ng isang dialysis center at medical laboratory para sa libreng pangangailangan ng mga residente kasunod nito ang isang ospital at modernong gusaling panglungsod sa Maharlika Highway.