NORZAGARAY, Bulacan—Isang 11 at 35 anyos na mag-tita ang patay habang 5 ang sugatan sa isang vehicular accident sa mala-banging kalsada sa Barangay San Mateo habang ang mga ito ay papuntang Bitbit River na nasa may paanan ng Angat Dam sa bayang ito upang mag-swimming noong Huwebes Santo ng umaga.
Kinilala ni Bulacan police director Col. Relly Arnedo ang mga biktima na si Chasper Prane Santiago, 11 at tiyahin nitong si Geraldine Santiago, 35, kapwa nagmula sa Barangay San Francisco, Bayan ng Bulakan. Sila ay dineklarang dead on the spot ng mga rescue teams na rumesponde sa aksidente dahil sa tinamo nilang multiple fatal injuries.
Kinilala naman ang 5 na pawang mga sugatan na sina Aileen Santiago, 30, kasamahan ng mag-tiyahin at sina Andrea April Sotto, 32; Teresita Sotto, 60; James Crescini, 11; Allen Pastrana, 9, pawang mga taga Barangay Bignay, Valenzuela City, Metro Manila.
Si Santiago ay agad na dinala sa Norzagaray Hospital subalit inilipat sa East Avenue Medical Center sa Quezon City at sinasabing nasa mabuti nang kalagayan, ayon kay Col. Lynelle Solomon, hepe ng pulisya ng Norzagaray.
Ang apat pang sugatan ay dinala rin agad sa pinakamalapit na ospital sa bayang ito upang lapatan ng karampatang medical attention. Agad din silang dineklarang ligtas na, ayon din kay Solomon.
Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, ang mag-tita kasama si Aileen ay naglalakad sa pabulusok na bahagi ng mala-bangin at zigzag na kalsada sa Barangay San Mateo patungong Bitbit River na nasa paanan ng Angat Dam bandang 10:30 ng umaga ng sila ay biglang salpukin ng isang owner-type jeep.
Ayon kay Solomon, ang owner-type jeep na minamaneho ni Narciso Sotto, 55, mula sa Santolan, Malabon City, Metro Manila ay bigla na lamang nawalan ng preno kung kaya’t biglang pabulusok na sinalpok nito ang mga biktima.
Dagdag ni Solomon, ang mga biktimang Santiago ay naunang nakasakay sa tricycle subalit nagpababa na ito at naglakad na lamang dahil sa pag-aalalang hindi makaya ng preno ng tricycle ang mga pabulusok at paahon na kalsadang kanilang dinaraanan.
Ayon pa rin sa hepe ng pulisya, mapalad pa ring may bahagi pa ng lupa sa isang gilid ng kalsada bago ang bangin kung kaya’t doon na lamang humangga ang owner-type jeep at hindi ito tumilapon sa bangin.
Arestado naman ang driver ng owner-type jeep at kinakaharap nito ang mga kasong double homicide at physical injury.