LUNGSOD NG MALOLOS—May ilang mga residente sa Bayan ng Norzagaray at Bustos ang inilikas nitong Biyernes ng umaga dahil sa pagpapakawala ng tubig ng Angat, Ipo at Bustos dams bunsod ng pag-apaw ng mga ito matapos ang mga sunod-sunod na pag-ulan.
Ayon kay Felicisima Mungcal, hepe ng Bulacan Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO), kasalukuyan nilang inaalam mula sa disaster risk reduction offices ng Norzagaray at Bustos kung ilang pamilya ang inilikas.
Patuloy din ang PDRRMO sa pagkalap ng datos kung may mga residente din sa low-lying areas ng iba pang bahagi ng Angat River maliban sa Norzagaray at Bustos–—Angat, San Rafael, Baliwag, Plaridel, Pulilan, Calumpit, Hagonoy at Paombong ang naapektuhan ng pagpapakawala ng tubig ng tatlong dams at kinailangan ding ilikas.
Umapaw ang Angat Dam at umakyat ang level ng tubig nito sa 216.00 meters above sea level (masl), o 4 na metrong lagpas sa 212.00 masl normal high water level nito alas 9:00 ng umaga ngayong Biyernes kaya naman nagpakawala ito ng 803 cubic meter per second (cms) na tubig.
Sinalo ng Ipo Dam na nasa paanan ng Angat Dam ang nasabing mga pinawalang tubig kaya naman ang Ipo Dam na may spilling level na 101.00 meters ay umabot sa 101.51 meters at kinailangan na rin nitong magpakawala. Nagpakawala ang Ipo Dam ng 1,009.77 cms ng tubig.
Ang Bustos Dam naman na nasa mas mababang lugar at sinasalo ang tubig na pinapakawalan ng naunang dalawang dams ay nasa 16.86 meters na taas o level kumpara sa 17.00 meters na spilling level nito ay nagpakawala ng 387 cms na tubig.
Noong Huwebes ng alas 2:00 ng hapon, nagsagawa na ng pre-emptive release ang Bustos Dam ng umabot ito sa 17.40 meters. Nagpakawala ito ng 525 cms na tubig. Ang nasabing pre-emptive release ay bunsod ng anunsiyo ng Angat Dam na lumagpas na nga ito sa 212.00 masl normal high water level o spilling elevation at magpapakawala ito ng tubig.
Ang Angat Dam lagpas alas 5:00 ng hapon noong Huwebes matapos na umabot ito sa 213.21 masl bandang alas 8:00 ng umaga ay pumalo sa 215. 03 masl kaya’t nagsimula ng magpakawala ng 72 cms na tubig. Ang Ipo Dam ganun ding oras ay umabot naman sa 101.18 meters ay nag-release ng 88 cms ng tubig.
Ang Angat Dam ay nasa 210.00 masl lamang noong Disyembre 4-Enero 3 at bigla nga itong pumalo ng lagpas sa 212.00 normal high level nito nitong Miyerkules.
Ang Macaiban bridge sa Bayan ng Sta. Maria ay umapaw din ng katindihan ng ulan ng Huwebes ng umaga at natigil ang pagdaan ng mga sasakyan doon. Bumalik lamang ito noong hapon ng medyo humupa na ang pag-ulan.
Simula Martes ay nagsimula na ang mga pag-ulan. Ayon sa weather bureau ng bansa, dalawang Low Pressure Area ang namataan na naghahatid ng mga pag-ulan sa maraming lugar sa bansa.
Bago pa mananghali ng Huwebes, mula sa halos walang tigil na malakas na ulan simula pa ng Miyerkules ng gabi at Martes din sa ibang lugar ay inatas na ni Gob. Daniel Fernando ang pagpapauwi ng maaga sa lahat ng mga elementary and high school students sa lalawigan.
Nag-anunsiyo rin ang ilang mga alkalde katulad nina Mayor Ferdie Estrella ng Lungsod ng Baliwag ng pag-suspinde ng klase.