CAMP GEN. ALEJO SANTOS, Bulacan—Inaresto ng pulisya ang isang 42 anyos na nanay mula sa Bayan ng Hagonoy kabilang ang pinsang bababe nito at kanyang ka-live-in dahil sa “kidnap me”modus nito sa sarili nitong anak.

Kinilala ni Bulacan police director Col. Relly Arnedo ang mga arestado na sila  Maryrose Medina, 42, ng Barangay Sagrada, Hagonoy at pinsan niyang si Eleonor Bolosco, 34 Adrian Cortez, 30, isang security guard, na pawang mga taga Lungsod ng Malolos.

Kinakaharap nila ngayon ang mga kasong corruption of minor, violation of Republic Act 7610 or Anti-Child Abuse law at unjust vexation, ayon kay Col. Jesus Manalo Jr., head ng Bulacan Police Provincial Intelligence Unit (PIU).

Ayon sa imbestigasyon ng PIU, si Medina ang utak sa “kidnap me” operation sa mismong 13 anyos na Grade 7 na anak nito upang makapaghiganti sa asawa nito (ama ng bata) at upang makakuha ng malaking pera. Hindi pa malaman ang dahilan ng nasabing paghihiganti ni Medina laban sa ama ng bata.

P3-milyon ang hininging ransom ng grupo ni Medina.

Arestado sila ng kanyang pinsan at si Cortez noong Biyernes, Abril 5 ng gabi, ilang oras matapos ang pay-off ng ransom money na halagang P550,000 sa hindi kalayuang lugar sa isang mall sa Plaridel.

Huwebes, Abril 4 ng isagawa ng mga suspects ang kanilang “kidnap me” modus. Ika-3 ng hapon ng araw na iyon, nagpaalam ang bata sa kanyang ama na pupunta sa bahay ng kanyang kaklase subalit hanggang sa mag-gabi na ay hindi pa ito umuuwi. Hanggang biglang may tumawag at nag-text sa ama ng bata mula sa hindi nito kilalang lalaki gamit ang hindi rin kilalang numero sa cellphone at sinabi ngang hawak nila ang kanyang anak at kailangang magbayad siya ng P3-milyong halagang ransom para sa kaligtasan ng kanyang anak.

Walang kaaalam-alam ang lalaki na ang asawa niya ang nasa likod ng krimen, kasama niya ang kanyang asawa sa pagtawag sa pulisya upang i-report ang insidente. Hanggang ikinasa ni Manalo kasama sina Col. Rossel Cejas, head ng Anti-Kidnapping Group Luzon Field Unit at ang Hagonoy police sa pangunguna ng hepe nito na si ni Col. Aldrin Thompson ang ransom pay-off operation kinabukasan sa isang parking lot malapit nga sa isang mall sa Plaridel.

Simula sa bahay ng mag-asawa sa Hagonoy ay tinugaygayan ni Manalo habang may iba pang pulis na nagbabantay sa bahay nito sa Barangay Sagrada. Sakay ng kanilang family vehicle na minamaneho ng kanilang driver, tumungo muna ang magulang ng biktima sa isang banko sa Lungsod ng Malolos at nag-withdraw na ito ng ransom money. Pagkatapos ay nagtungo ito sa Calumpit para mag-ubos ng oras at saka dumiretso sa Plaridel, malapit sa mall.

Huminto ito roon at saka inabot kina Bolosco at Cortez sakay ng isang black Chevrolet na may plakang NEA-5728 ang bumaba sa P550,000 halaga na ransom money mula sa hinihingi nitong P3-milyon.

Maya maya lang ay nakita na ng mga pulis ang kasama ni Medina na family driver nila na lumalabas ng mall kasama na ang bata.  

Sa gitna nito ay nagduda na ang pulisya sapagkat aktong-akto nilang nakita ang nasabing pag-aabot ng pera kaya’t nagtaka ang pulisya ng mahigpit na itinatanggi ni Medina na sa mga sakay ng nasabing black Chevrolet niya iniabot ang ransom money.

Nauna na ring nagtaka ang mga pulis kung bakit mahigpit na tumanggi na makipagkita sa kanila sina Medina upang personal nilang ituro sa mga ito ang maayos na pakikiharap sa mga kidnappers upang masigurong ligtas nilang maiuuwi ang kanilang anak.

Kaya naman patuloy nilang sinundan ang black Chevrolet at hinarang nila sina Bolosco at Cortez hanggang sa umanin na ito na ang lahat ay “kidnap me” modus ni Medina.

Inaresto rin ng pulisya si Medina at dinala sa PIU office sa kampong ito.

Ayon kay Manalo, napaka-risky ng ginawa ng mga suspects sa mismong mga sarili nila at maging sa hanay ng pulisya.