LUNGSOD NG MALOLOS–Nahaharap ngayon sa 17 bilang ng cyber libel cases na may katumbas na P17-milyong halagang danyos ang isang dating kosenhal-kapitan ng bayan ng San Miguel kabilang ang isang babaeng negosyante matapos sampahan sila ng nasabing kaso ng alkalde ng nabanggit lugar dahil umano sa serye ng mga mapanirang atake at akusasyon laban sa opisyal sa live at posts ng mga ito sa social media.
Isinampa ni Mayor Roderick Tiongson ng Bayan ng San Miguel ang habla laban kina dating Konsehal Melvin Santos at negosyanteng si Mary Grace De Leon sa Bulacan Prosecutors Office nitong Huwebes. Si Santos ay dati ring naging kapitan ng Barangay Camias habang si De Leon naman ay mula sa Barangay Sta. Ritang Matanda.
Sa kanyang isinampang 5 counts of cyber libel case laban kay Santos, sinabi ni Tiongson na pangit, nakakasakit sa damdamin, mapanira at malisyoso ang naging mga komento nito laban sa kanya sa serye ng mga live at posts nito sa social media account nito simula Nobyembre 17-Disyembre 2, 2023.
Ani ng alkalde, hindi lamang siya o ang kanyang reputasyon ang sinira ni Santos kundi lalo’t higit din ang kanyang buong pamilya.
Sa loob ng nasabing panahon, ayon sa alkalde, lantaran siyang inakusahan ni Santos na isang corrupt na opisyal ng kanilang bayan at isang mamamatay-tao kung saan mariing iginiit nito na ang alkalde ang nasa likod ng illegal quarry sa Biak-na-Bato at ito rin ay isang mamamatay-tao na siya ano mang oras ay maaaring ipapatay ng opsiyal.
“Alam ko po na marami na sa mga kababayan nating San Miguelenos ang nakakaalam ng tungkol sa video na ito tungkol sa quarry sa Brgy Biak-na-Bato kung saang humigit kumulang 400 truck daw po ang inilalabas na lupa araw araw na para na nga daw pong disyerto na daw po ang bundok. Ako po ang pinagbibintangan ni Mayor na nagpapakalat ng video na ito. Mariin ko pong itinatanggi ito. Pero nagpapasalamat po ako kung sino man ang nagsumbong at nagpapakalat ng video tungkol dito at dapat pong magpasalamat ang lahat ng taga San Miguel. Hindi ako natatakot sa inyo. Hindi ako natatakot ipapatay at lalong hindi ako natatakot na perwisyuhin ninyo ang aking hanapbuhay. Mga kababayan, alam nating lahat kung sino ang umaabuso sa panunungkulan. Kaya niyong gawin ang lahat dahil nasa kapangyarihan kayo. Hindi ako natatakot na umagos ang dugo ko sa lupain ng San Miguel kung iyan ang magiging hudyat para magising na ang taong bayan sa totoong ginagawa ninyo sa pagnanakaw sa bayan at kalikasan,” post ni Santos sa kanyang account ayon sa habla ng punongbayan.
Pagkontra naman ng alkalde, “malisyoso na ako ay paratangan na nagpapapatay ng tao at namemerwisyo ng hanapbuhay . Ang mga ganitong uri ng posts ay mapanira at walang batayan para ilathala. Gayundin, may limitasyon ang freedom of speech at hindi ito dapat inaabuso kaya’t dahil dito ay pormal kong isinasampa ang kasong cyber libel laban kay Santos”. Bukod sa pagkakakulong ay hinihingan din ng alkalde si Santos ng P5-milyong halagang danyos o P1-milyon kada isang bilang ng habla.
Ani ng mayor, hindi lamang sa Pilipinas nababasa at napapanood ang nasabing mga posts at live ni Santos sa social media kundi sa buong mundo. “Maging ang mga nagkokomento dito at nagre-react ay mula sa Pilipinas at sa ibang bansa,” pahayag nito sa kanyang demanda.
Sa panayam ng NEWS CORE kay Santos, sinabi nito na patunayan na lamang ang habla sa kanya.
Si Santos ay naging kapitan ng Barangay Camias mula 2007-2018 at naging konsehal ng Bayan ng San Miguel 2019-2022.
Bukod sa akusa ni Santos kay Tiongson na ito ay isang “killer” at isang corrupt official na umano ay nasa likod ng illegal na quarry sa kanilang bayang San Miguel na mariing pinabulaanan ng alkalde, umano ay inakusahan at siniraan din ni De Leon ang alkalde sa mga live at posts nito bilang umano ay isang “bakla,” base rin sa pahayag ng punongbayan sa media.
17 counts ng cyber libel vs. De Leon
Labindalawang bilang ng cyber libel na nagkakahalaga ng P12-milyon naman ang demanda ng alkalde laban kay De Leon dahil umano sa mga mapanirang live at posts nito laban sa kanya sa social media account nito sa kaparehas ding panahon, Nobyembre-Disyembre 2023.
Noong Nob. 28, tinuran at ipinahiwatig ni De Leon na umano ay bakla ang nasabing alkalde ng sabihin nitong nakita niya ng dinakma ng opisyal ang ari ng isang opisyales ng Sangguniang Kabataan (SK) sa kanilang bayan. “Sa harapan ko at sa harapan ng ibang tao, hindi pe-pwedeng magsisinungaling kitang-kita ko po na tatlong beses niyang hinipuan si …….(hindi po natin pinangalanan sa report na ito ang tinuran ni De Leon), yung batang SK na kakapanalo pa lang dito (pati po pangalan ng lugar na tinuran ni De Leon ay hindi rin natin inilathala upang maproteksiyunan ang nasabing batang lalaking SK official). Tatlong beses po na kitang-kita ko dinakma po niya ang “ari” ng bata. Tama ba iyan sa isang tulad niyang mayor ng San Miguel, Bulacan,” nakasaad sa umano’y post ni De Leon laban sa alkalde.
Subalit ayon sa alkalde, siya umano kailanma’y hindi nanghipo ng sino mang kalalakihan lalo na sa harap ng publiko at walang asunto o reklamo siyang kinaharap para maging batayan ng mapanirang akusasyon. Na malisyosong pagpaparatang lamang na siya ay malaswa at may pagnanasang sexual sa isang lalaki ang lahat ng tinuran ni De Leon.
Gayundin, sinabi ni De Leon sa post niya sa timeline ng kanyang social media account na umano ang mayor ay nagpahayag ng hindi maganda sa kanya na tila ba siya ay inihambing sa isang aso. “Tama ba na bastusin ako sa harapan, ako daw po kapag nangangailangan ay huwag na akong mag-boyfriend pa ng seryoso, tandang tanda ko iyong sinabi niya na kung ako naglilibido, isipin ninyo nanggaling pa iyan sa bunganga ng mayor ng San Miguel, Bulacan, kung nakakaramdam ako ng libido ay tawagin ko ang driver ko at magpatira daw ako sa driver ko. Wag mong itulad lahat sa iyo ang tao, dahil ikaw para kang “aso” Kasi ang aso kahit sa kalsada pagka siguro gustong magpatira titira kahit sa gitna ng kalye hindi naman tayo ganun”.
Subalit buwelta ng mayor, “wala akong minolestiya na mga kabataang lalaki at kahit kailan o ni minsan ay hindi ako naharap o nasampahan ng reklamo patungkol sa malisyosong pahayag na ito. Na Kailanma’y hindi ako nagbibitaw ng malaswang biro laban sa isang babae dahil ito ay sensitibong usapin lalo na sa harapan ng publiko. Na malisyoso at nakakasira ng pagkatao na ako ay ihalintulad sa isang “aso” o hayop na malaswa at hindi nakakaunawa ng moralidad pagdating sa usapin ng pakikipagtalik”.
Inihalintulad din ni De Leon si Tiongson kay dating Calauan, Laguna Mayor Antonio Sanchez na isang rapist at killer. “Naalala ko tuloy noong bata pa ako, napanood ko si Mayor Sanchez na nang rape ng batang babae, after mang rape papatayin,” post nito sa kanyang timeline. Subalit sa sagot ng alkalde na nakasaad din sa kanyang habla, mariin nitong itinanggi na siya ay isang mamamatay-tao at maliwanag na paninira lamang ang posts na iyon laban sa kanya upang sirain ang kanyang reputasyon.
Inakusahan din ni De Leon ang alkalde bilang isa umanong corrupt official dahil ginagamit nito ang buwis at pera ng taong bayan ng San Miguel, Bulacan para sa sarili nitong kapakinabangan.
“Walang magandang layunin ang ginawang pagkokomento na ito ni Mary Grace De Leon sa social media laban sa akin lalo na at kanyang nilait ang aking pagkatao na masyadong mapanira, malisyoso na hinalintulad ako sa isang aso, isang convicted criminal na nanggahasa at mamamatay-tao, sa pagpaparatang na nang-aabuso ng mga kabataang kalalakihan at paratang na ninanakaw ko ang kaban ng bayan para sa sariling kapakinabangan. Na ang lahat ng elemento ng cyber libel, defamatory imputation, malice, publication gamit ang social media at identifiability of the victim, ay nasa mga posts nilang ito ni Santos” pagdiriin din ng alkalde.
Sinabi pa nito na dahil sa mga pangyayari ay P12-milyong halaga para sa 12 bilang ng cyber libel cases ang danyos na dapat bayaran sa kanya ni De Leon.
Pahabol pa rin ng punongbayan, “ang freedom of speech ay may limitasyon na kung ito ay ginagawa upang siraan at yurakan lang ang dangal ng isang tao ng walang batayan ay dapat na itong bigyan ng karampatang parusa na naaayon sa batas”.
Ayon pa sa alkalde, siya ay naniniwala sa due process at sa kanyang paghahabla ay doon mapapatunayan ang walang humpay na umano ay mga paninira laban sa kanya at siya ay nananalig na mananaig ang katarungan laban sa mga abusado sa pagpapahayag gamit ang social media na sina Santos at De Leon at ito ay simula pa lamang ng mga kasong isasampa niya laban sa kanila.
Wala naman muna umanong maibibigay na komento si De Leon tungkol sa habla sa kanya ng kontakin ito ng NEWS COREsa telepono nitong Biyernes dahil wala pa naman siya umanong natatanggap na kopya ng habla laban sa kanya.