LUNGSOD NG MALOLOS – Nagsagawa ng oryentasyon ang Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) sa pakikipagtulungan sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) at Provincial Health Office – Public Health (PHO-PH) para sa mga taong may kapansanan at mga senior citizen na tinawag na ‘Basta Bulakenyo, Kahit may “K” OK!’ bilang bahagi ng mga aktibidad para sa linggo ng National Disability Prevention and Rehabilitation na ginanap sa The Pavilion sa Hiyas ng Bulacan Convention Center noong Hulyo 19.
Kaugnay ng pagdiriwang ng National Disaster Resilience Month, pinangunahan ng PDRRMO ang oryentasyon sa layuning mapataas ang kamalayan at kaalaman ng mga nasa vulnerable sector sa paghahanda sa sakuna sa pamamagitan ng pagbibigay kaalaman sa kanila kung paano rumesponde at paano hihingi ng tulong sa panahon ng kalamidad gaya ng matinding pagbaha dulot ng bagyo, lindol, mga insidente ng sunog at iba pang mapanganib na emergencies.
Dinaluhan ang nasabing aktibidad ng may 408 na mga opisyal at miyembro ng City at Municipal PWD Officers, Federation of Senior Citizens Associations of the Philippines (FSCAR) at Office for the Senior Citizens’ Affairs (OSCA) na siyang mga katuwang ng Pamahalaang Panlalawigan sa pagbababa ng mga serbisyo ng pamahalaan sa mga komunidad.
Sa kanyang mensahe, isinulong ni Gob. Daniel R. Fernando ang pagiging kabahagi ng lahat, lalo na ng mga taong may kapansanan at nakatatandang populasyon dahil sila ang pinaka nangangailangan ng tulong sa panahon ng krisis.
“Sa pagkilala sa kanilang mga hamon at aktibong pagtugon sa kanilang mga pangangailangan ay hindi lamang magpapalakas sa kanilang kakayahan na harapin ang mga pagsubok sa panahon ng krisis kundi magtataguyod din ng mas makatao at inklusibong lipunan. Sa pagtutulungan, maaari nating maitayo ang isang mas ligtas at mas matatag na komunidad kung saan walang maiiwan, anuman ang edad o kakayahan,” anang gobernador.
Samantala, bilang handog sa mga PWD at senior citizen, namahagi si Fernando kasama si Bise Gob. Alexis C. Castro ng mga papremyo na nagkakahalaga ng P500, P1,000, P2,000 at karagdagang dalawang bisikleta sa idinaos na raffle habang pinangunahan naman ni PSWDO Head Rowena J. Tiongson ang pamamahagi ng cash incentive na P1,000 at box of goods sa lahat ng mga dumalo.