CALUMPIT, Bulacan—Upang pagtulong-tulungan ng lahat na magkaroon ng bahagi sa pagbibigay ng solusyon sa matinding mga pagbaha tuwing may bagyo at malakas na ulan bunsod ng mga baradong waterways o mga ilog, kanal at estero, paulit-ulit na hinihikayat at pinapakiusapan ni Gob. Daniel Fernando ang mga kababayang Bulakenyo na sinupin ng maayos ang kanilang mga basura at ilagay o itapon ito sa tamang lagayan.
Sa pagharap sa mga residente ng bayang ito sa pamimigay ng mga relief packs o ayuda para sa mga naging biktima ng pagbaha mula sa nakaraang bagyong Egay, habagat at bagyong Falcon, inamuki rin ni Fernando ang halos 11,000 mga residente na kinatawan ng kanilang pami-pamilya para sa nasabing mga tulong-biyaya na itapong maayos ang kanikang mga basura upang tumulong sa pamahalaan sa pagbibigay solusyon sa pagbaha.
Ayon sa gobernador, ang bawat tahanan ay dapat sinisinop ang kanilang mga basura sa lalagayn, nakabuhol ito ng maayos at inilalabas sa harapan ng kanilang tahanan sa araw ng daan ng naghahakot ng basura upang hakutin ng garbage disposal unit ng bawat munisipyo at hindi dapat na Itapon na lang ng tapon sa labas o likod ng kanilang bahay lalo na sa mga kailugan.
Sa mga naunang bayan partikular sa coastal towns na first district na binaha rin at pinagkalooban din ng gobernador ng mga ayuda, kasama sina Bise Gob. Alex Castro, Bokal Mina Fermin at Allan Andan ay iyon din ang mensaheng ipinaparating ng gobernador.
Kailangan na kumilos umano ang lahat ngayon sa pagsisinop sa kalikasan sapagkat babatasin tayong mga nabubuhay sa kasalukuyan ng mga susunod na henerasyon.
“May darating pa po na kasunod natin. Tatanungin po nila sa panahon nila, ano ang ginawa natin sa ating panahon upang alagaan ang ating kalikasan. Gusto po ba ninyo na sabihin nila na tayo ay walang ginawa, tumanga lamang tayo o maalala nila at makilala nila tayo na tayo pa mismo ang nagkalat,” ang maya’t maya ay wika ng ama ng lalawigan sa lahat ng bayan at barangay na kanilang tinutungo.
Kasabay ng mensaheng iyon ang pagbabalita ng planong pagpapagawa ng mega dike, impounding areas at mga paghuhukay ng ilog o dredging sa lalawigan na proyektong inihain ng gobernador kay Pangulong Ferdinand Marcos at binigyan din ng pansin ng Pangulo upang isakatuparan sa mas lalong madaling panahon upang hindi na maranasan pa ng mga Bulakenyo ang pagbaha.
“Ang nais po ni Pangulong Marcos at siya ring nais ko at aming pinagsusumikapang mangyari ay matulog tayong lahat sa gabi na walang pinapangambahang may baha tayong maaaring sapiTion ano mang oras kaya po naka-plano na ang aming mga proyektong isasagawa tulad ng planong mega dike, mga impounding areas, dams at pag-dredge ng mga ilog,” ang marubdob na pahayag ng gobernador.
Kasama si Calumpit Mayor Lem Faustino at mga kapitan ng barangay ng Buguion, Sergio Bayan, Palimbang, Iba Este, Caniogan, Sto. Nino at Pungo, 10, 791 ang kabuuang pamilya ang tumanggap ng mga ayuda ng nasabing araw.
Nauna nang napagkalooban ang iba pang mga barangay na inabot din ng matinding pagbaha.