LUNGSOD NG MALOLOS—Dumalo sa isang committee hearing sa Kongreso si Gob. Daniel Fernando at Bise Gob. Alex Castro nitong Lunes kung saan hiniling nito na agarang maipasa ang mga panukalang inihain ng mga kongresista sa lalawigan kabilang ang nais nitong isang Mega Dike project upang masolusyunan na sa lalong madaling panahon ang lalong lumalala at patindi nang patinding mga pagbaha sa lalawigan.
Ayon sa gobernador, ang mga highways na itinayo sa lalawigan na tumama sa mga kabukiran ay kabilang sa naging dahilan ng mga pagbaha nitong pag-ulan bunsod ng bagyong Egay at ng hanging habagat o southwest monsoon.
Gaya ng ipinangako ni First District Congressman Danilo Domingo noong panahon ng eleksiyon noong isang taon na pagtutuunan niya ng pansin ang mga panukala sa kongreso kontra baha sa kanyang distrito, naghain ito ng mga bills upang ma-address ang lalong tumitinding pagbaha sa coastal areas na sakop ng kanyang distrito bunsod ng climate change partikular ang high tide kabilang din ang mga baradong waterways at ilog.
Ang House Bill No. 6559 na inihain Disyembre 7, 2022 ay naglalayong mabigyang prayoridad ang agaran at komprehensibong solusyon sa deka-dekada ng pagbaha sa lalawigan.
Ayon kay Fernando, ang Mega Dike project ay binuo niya kasama sina Pampanga Governor Dennis Pineda at Bataan Governor Joet Garcia. Ang proyekto ay tatahak sa coastal area ng tatlong lalawigan at ididisenyo upang maharangan ang high tide mula sa Manila Bay na siyang nagpapabaha kada araw sa marami ng mga taon sa mga low lying areas ng catch basin at coastal towns na Calumpit, Hagonoy at Paombiong.
Sinusuportahan din at masidhing isinusulong ni Mayor Christian Natividad ng Lungsod ng Malolos ang nasabing Mega Dike project o isang higanteng sea wall na haharang sa high tide upang proteksiyunan ang coastal towns kasama ang Lungsod ng Malolos na isa ring coastal area at ang Bayan ng Bulakan.
Ayon kay Natividad, naiwang nakabukas at walang harang na dike o sea wall mula sa high tide na nagmumula sa Manila Bay ang buong coastal areas ng Bulacan matapos magsagawa ng ganitong proyekto ang Metro Manila at karatig probinsiya na Pampanga kaya patuloy na dumadanas ng matindig high tide at pagbaha ang mga lugar.
Ngayong maghapon ng Miyerkules, Agosto 2, dumaranas ng halos 2 meters of 5.02 ft. na high tide ang coastal areas ng lalawigan kaya lalong lubog sa mas mataas na baha ang catch basin na mga bayan ng Calumpit, Hagonoy, Paombong dahil dumaranas na rin ng back-flooding ang nasabing mga lugar.
Sa isang ipinasang resolusyon ng Sangguniang Panlalawigan nitong Lunes, mula sa inihaing panukala ni Castro ay idineklara ni Fernando ang buong Bulacan na nasa ilalim ng state of calamity dahil nasa halos 22,000 pamilya ang mga inilikas sa iba’t ibang evacuation areas matapos na 171 mula sa 572 na mga barangay ang nalubog sa baha.
Sa inisyal na datos ay mahigit P83-milyong halaga ang naging pinsala ng ulan at baha sa agrikultura. Hindi pa kasama rito ang mga damages sa infrastructure, ayon kay Fernando.
Halos ang lahat ng 24 na bayan at siyudad sa buong lalawigan ay inabot ng baha.
Kahapon, Martes, tinawag ni Senador Joel Villanueva na palpak ang P183-Biyong halagang national government project ng administrasyon para sa taong ito kabilang ang P1.7 bilyon na nilaan kontra pagbaha sa Bulacan.
Palpak umano ito dahil Department of Public Works and Highways (DPWH) lamang ang nakapaloob dito at hindi kasama ang Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Ayon sa senador, dapat aminin na palpak ang nasabing flood control project ng pamahalaan at ang pag-amin sa katotohanan na kapalpakang ito ang magtatama sa mali upang maging epektibo ang flood control project ng gobyerno at hindi masayang ang pera ng bayan.
“Aminin natin, palpak ang flood control program ng gobyerno lagi lagi. Four decades na iyan, one administration to another pero palpak pa rin dahil hindi tama ang proyekto and it is getting worst. Para maging tama ito, alamin natin ang totoo. Kung walang magsasabi ng katotohanan hindi ma-aaddress ang problema,” aniya.
“Bulacan under that flood control project has P1.7 billion fund but look at Calumpit, Hagonoy and Paombong, they are still submerged to flood. There’s really a problem that should be addressed and the government flood control program is not addressing this problem,” pahayag pa rin ng senador.
Ang isang bahagi sa Poblacion, Guiguinto na tinatawag na Cabay ay inabot ng 6 ft. na baha at ang hindi inaabot ng matataas na mga pagbaha na Bayan ng Angat, Pandi ay inabot ng 3-4 ft. na tubig baha. Sa Bocaue na bayan ng ng senador ay umabot din sa 4ft. ang taas ng tubig baha.
Maraming kalsada partikular ang iba’t ibang bahagi ng Mac-Arthur highway ang hindi nadaanan dahil sa taas ng tubig baha.