Malayo pa ang mararating na tagumpay ng Bulacan—Fernando

Published

LUNGSOD NG MALOLOS—Ipinagmalaki ni Gob. Daniel Fernando na malayo pa ang mararating na tagumpay ng Bulacan lalo’t higit matapos masungkit ng Provincial Government at 12 mga bayan at siyudad sa lalawigan ang pinakahuli o 2023 Seal of Good Local Governance (SGLG) na ipinagkaloob ng Department of Interior and Local Government (DILG) nito lamang nakaraang linggo. 

Sa inihandog ni Senador Joel Villanueva na konsiyerto, “Isang Gabi ng Musika” na pinangunahan ng Philippine Philharmonic Orchestra (PPO) sa patio ng simbahan ng Barasoain kagabi para sa kanyang mga kababayang Bulakenyo, ipinagmalaki ng ama ng lalawigan na malayo na ang narating at malayo pa ang mararating na kaunlaran ng Bulacan dahil sa dami ng mga bayan at siyudad nito na nakakuha ng nasabing pagkilala. 

Patunay aniya iyon ng kahusayan sa paglilingkod at progresibong mga lokalidad. 

Aniya, kung noong nakakaraang taon ay apat lamang ang mga bayan na nakakakuha ng SGLG sa buong probinsiya, ngayon ay 12 bayan at siyudad na ito. 

Ito ang mga bayan ng Angat, Balagtas, Bulakan, Dona Remedios Trinidad (DRT), Guiguinto, Marilao, Pandi, Pulilan, Plaridel, Santa Maria, Siyudad ng Baliwag at kabilang din ang Siyudad ng San Jose del Monte bilang isa sa pinarangalang lungsod sa bansa. 

Ang Provincial Government of Bulacan (PGB) naman ay nakamit ang nasabing pagkilala sa ikapitong taong singkad. 

“Dati ay apat lamang na mga bayan ang nakakatanggap ng SGLG sa ating lalawigan, subalit ngayon ay 12 na ito. Alam natin na mas malayo pa ang mararating ng ating mahal at dakilang lalawigang Bulacan,” pahayag ng gobernador. 

Ipinagmalaki rin ni Villanueva na ang Bulacan ay ika-8 sa Most Competitive Province sa bansa. 

Mainit na tinanggap at pinasalamatan ni Fernando ang kababayang senador sa paghahandog nito ng konsiyerto sa mga kalalawiagan. Pinuri rin nito ang senador bilang isang halimbawa ng magiting na pinuno ng bansa at isang tunay na anak at dangal ng Lalawigang Bulacan. 

Kinilala at pinasalamatan din ng senador ang mga alkalde ng lalawigan dahil sa kanilang mahusay na liderato at paglilingkod-bayan sa mahal na lalawigang Bulacan. 

Ani ng senador, isang natupad na pangarap niya ang konsiyerto ng PPO sa patio ng Barasoain Church hindi lamang upang handugan ng pamoso at banayad na classical instrumental music ang mga kapwa Bulakenyo kundi upang itanghal din ang matingkad na papel na ginampanan ng nasabing simbahan sa nakamit na kalayaan at demokrasya ng bansa. 

Sa Barasoain Church isinagawa ang Malolos Congress noong Setyembre 15, 1898 kung saan binuo ang Malolos Constitution na siyang naging kalipunan ng mga batas ng Pilipinas. At nang ito ay pagtibayin noong Enero 23, 1899 sa nasabi ring simbahan ay niluwal na ang Unang Republika ng Pilipinas at ng buong Asya. 

Share post:

Subscribe

spot_imgspot_imgspot_imgspot_img

Popular

More like this
Related

Tacloban’s sweet and special binagol

TACLOBAN CITY—Sixty five year old Viginia Aguilar Orollo on...

Center for Agriculture and and Development (CARD) MRI Center Meeting in Tacloban City

TACLOBAN CITY—CARD MRI officers, members and clients conduct their...

Thai consumers seek new flavors of salty snacks

Companies need to get ready to elevate the snacking...