Ang mga miyembro ng San Miguel, Bulacan Rescue Team kabilang ang Bulacan Police Forensic Unit operatives habang kinukuha ang katawan ni Pat. Edmond John Arenas, ng Second Bulacan Provincial Mobile Force Company na napailaliman ng isang sasakyan na gumulong sa kanya sa Maharlika highway sa Barangay Balite matapos siyang mahulog sa kalsada mula sa sinasakyang police vehicle madaling araw ng Miyerkules. Bulacan Police photo

SAN MIGUEL, Bulacan—Patay ang isang 26 anyos na pulis matapos na ito ay mahulog sa sinasakyang Troop Carrier at magulungan ng ibang sasakyan habang binabagtas ang Maharlika highway sa bayang ito Miyerkules ng madaling araw.

Kinilala ni Bulacan Police Director Col. Relly Arnedo ang biktima na si Pat. Edmond John Arenas ng Barangay Burian, Cabanatuan City at naka assign sa Second Provincial Mobile Force Company na naka-base sa Bohol ng Mangga sa Bayan ng San Ildefonso.

Papunta sa isang deployment duty sa Lungsod ng Meycauayan, binabagtas ng police-marked Troop Carrier ang southbound lane ng Maharlika highway at nag-iisang nakaupo sa likurang bahagi si Arenas ng bigla itong mahulog sa bahagi ng Barangay Balite sa bayang ito bandang alas 5:00 ng madaling araw. Bigla namang parating na ang isang L200 Mitsubishi, rehistrado bilang SJS-946 na markadong sasakyan ng lokal na pamahalaan ng Villaverde, Nueva Vizcaya at minamaneho ni Joel Rivera at siya ay nagulungan.

Ang Troop Carrier na sasakyan ay minamaneho ni Pat. Klein Orbita at lulan pa ang isang police na nakaupo sa front passenger seat.

Agad na nag-responde ang San Miguel Rescue Team at isinugod si Arenas sa San Miguel District Hospital kung saan idineklara siyang dead on arrival (DOA).

Ayon sa imbestigasyon, galing sa kanilang base camp sa Bohol na Mangga ang tatlong pulis at patungo na ang mga ito sa Lungsod ng Meycauayan para sa isang deployment duty ng maganap ang insidente.

Arestado si Rivera at kasalukuyang nagsasagawa ng malalim na imbestigasyon si Arnedo upang matukoy ang dahilan kung bakit nahulog si Arenas mula sa sasakyan.

Sadyang ikinalulungkot ng buong kapulisan ng Bulacan ang nangyaring insidente lalo na at namatay on duty ang isa nilang kabaro.

Kakasuhan ng reckless imprudence resulting to homicide si Rivera, 53 ng Ibung, Villaverde, Nueva Vizcaya.