LEA G. VIRI

Teacher III

Virgen Delas Flores High School

City of Baliwag, Bulacan

Ang Human papillomavirus (HPV) ay karaniwang nakukuha o naisasalin sa pamamagitan ng pakikipagtalik o kaya ay pagdikit ng balat ng tao sa isang may sakit nito o skin-to-skin contact.

Maaaring maagapan ang sakit na ito sa pamamagitan ng vaccination upang puksain ang strains ng HPV na siyang karaniwang sanhi ng genital warts or cervical cancer.

Ngayong Marso at Abril ay sisimulan muli para sa buong taon ng 2024 ang vaccination nito sa target na 21,000 na mga kabataang babaeng Bulakenyo na may edad na 9-14 o mga nasa grade 3 hanggang nasa grade 8 o second year junior high school sa lahat ng pampublikong eskuwelahan sa buong Bulacan.

Dati na itong proyekto ng Department of Health (DOH) bago pa mag-pandemic subalit hindi ito masyadong kinabiliban ng mga magulang at hindi pinayagan ang kanilang mga anak na babae na nasa nasabing edad na mabakunahan. Isang tinitingnang dahilan ay maaaring nagkaroon ng takot bunsod ng hindi magandang resulta ng vaccination kontra dengue gamit ang injection na dengvaxia.

Napag-alaman natin na sa mga siyudad pala dito sa atin sa Bulacan tulad ng San Jose del Monte, Malolos at Meycauayan ay nauna na itong isinagawa, subalit ganoon nga ang naging resulta. Ganunpaman, dahil sa patuloy na paglaganap ng cervical cancer sa bansa, at siyang itinuturing na pangalawang silent killer sa ating mga kababaihan sumunod sa breast cancer ay ilulunsad na ng DOH ang mas pinalakas at ang mas pinalawak na HPV vaccination.   

Ayon sa tala, may 7,277 new cases ng cervical sa bansa sa  ngayon kung saan ang 3,807 dito ang nakikitang maaaring mamatay at maaaring ganoon ding bilang ang katulad na mamamatay kada taon dulot ng virus o infection na ito.  Ang sabi nga, prevention is better than cure kaya narito ang bakuna laban sa nasabing sakit. Darating ang araw na magdadalaga at mag-aasawa ang mga batang babaeng ito, dahil sa pakikipagtalik sa kanilang nobyo o asawang lalaki na maaaring carrier na ng HPV, sila ay maaari ring magkaroon o tamaan. Subalit dahil sila ay may HPV injection o dahil sila ay bakunado kontra HPV ngayong bata pa lamang sila, sadyang mataas ang porsyento na hindi na sila magkakaroon ng HPV at magiging ligtas sila sa cervical cancer.  

Kaya ating hinihikayat ang mga magulang na pabakunahan ang kanilang mga anak ng anti HPV. Malapit na, sa mga susunod na araw ay sa eskuwelahan na natin darating ang mga taga DOH at mga taga Bulacan Provincial Public Health Office kasama ang mga taga RHU natin.

Huwag po tayong matakot, tulad ng laban natin sa COVID, ang bakuna kontra HPV ay laban natin kontra cervical cancer. Ipanalo po natin ito, ipanalo nating ang laban ng ating kabataang babaeng Bulakenyo, ng ating kabataang babaeng Pilipino.