ROSARIO R. CRUZ
Teacher III
Virgen Delas Flores High School
City of Baliwag, Bulacan
Nauwi rin sa maayos, paglilinawan, pagkakaunawaan, pagpapatawad at higit sa lahat ay pagkatuto ang insidente sa pagitan ng lokal na pamahalaan ng Lungsod ng Baliwag sa pangunguna ni Mayor Ferdie Estrella at ng nasa likod ng Abot Kamay Na Pangarap na programa sa telebisyon ng GMA-7.
Matatandaang naglabas ng pahayag ang alkalde tungkol sa pagkadismaya nito sampu ng mga mamamayan ng Baliwag sa isang episode ng nasabing programa na inere noong Pebrero 14 sapagkat doon ay ipinahiwatig na ang lungsod ay lugar ng mga baliw.
Binanggit sa isang linya ng isang karakter ang Lungsod ng Baliwag sa isang pagpapahiwatig ng katatawanan at mapang-insultong kahulugan, “Nagdedeliryo na….papunta na sa Baliwag, Bulacan”.
Ayon sa alkalde, siya ay nalulungkot sapagkat ang nasa likod ng nasabing programa ay nagpapakita ng kakapusan sa kaalaman at kawalan ng sensibilidad sa mga mahahalagang isyu.
Pagbibigay-diin ng alkalde, ang lungsod ng Baliwag sa lalawigan ng Bulacan ay lunduyan ng kasaysayan at hitik sa kultura at tradisyon. “Kilala ito dahil dito nagmula ang mga bayaning sina Mariano Ponce at Col. Antonio Buenaventura (Pambansang Alagad ng Sining sa Musika), mga pamana tulad ng paglalala ng sumbalilong buntal at mga muwebles na may imbute, at ganundin ang pinakamahabang prusisyon tuwing Mahal na Araw. Marami ang itinuturing na pinagmulan ng pangalan ng Baliwag ngunit hindi isa rito ang salitang baliw. Ang baliuag ay isang salitang Tagalog na ang ibig sabihin ay malalim (deep, profound sa Ingles, hondo profundo sa Kastila). Ito ay nailathala noong 1800 bilang isang salita sa Vocabulario Lengua Tagala at makikita sa pahina 33 ng diksyunaryo. Ito rin ay matatagpuan sa pahina 115 ng Diksyunaryo Tesauro ni Jose Villa Panganiban (Villacorte, 2001).
Ayon pa sa alkalde, “Kung ating dadalumatin, maaaring ang lungsod ay pinangalanang Baliwag dahil ito ay kinakitaan ng katangian ng pagiging malalim: una, dito ay dumadaloy ang malalim na ilog at pangalawa ay maaaring ang mga taal na nakatira rito ay malalim kung mag-isip. “Bago gamitin ang ngalan ng isang lugar, nararapat lamang na isaalang-alang ang kasaysayan nito para akmang mailapat sa konteksto ng isang palabas,” ani nito.
Kung kaya nga’t kinondena ng alkalde ang iresponsableng pagsusulat ng skrip at pagpapalabas ng nasabing episode ng programang iyon. Ang huling mensahe at paghamon ng ating opisyal ay hindi na iyon maulit, magsilbing aral at makalikha ng kamalayan para sa mga susunod na palabas at iba pang pagtatanghal.
Atin lamang pong maidagdag, bilang tayo po ay guro ng Araling Panlipunan, tulad ng ating butihing alkalde, tayo rin po ay nalulungkot at nagdaramdam sapagkat ang mga nasa likod ng programang iyon ng GMA-7 ay mga nagsipagtapos ng kolehiyo, maaaring sa larangan ng mass communication at iba pang related sa field na ito at isang disiplinang natutunan sa kolehiyo ay ang “pagre-research” o sa Tagalog ay “pananaliksik”.
Bakit, hindi man lamang sinaliksik o inalam, ngayon ay isang click na lamang, sabi nga nila ay “googable” o nasa google naman ang halos lahat ng salita o ano pang bagay na gusto nating malaman o masiguro. Bakit nagsiguro na ang mga ito na iyon nga ang kahulugan ng pangalan ng lungsod. Gayundin, sinasang-ayunan natin ang ating mahal na mayor, bakit hindi sila “sensible” o mababa o wala sa kanilang hinagap na maging sensitibo sa damdamin ng kanilang kapwa, ng mga mamamayan ng Baliwag at ng buong lalawigan ng Bulacan sa pagkabit ng pangalan ng lungsod sa salitang baliw.
Sino nga ba ang tunay na baliw, ayon nga sa pamosong awitin.
Subalit sa huli, ay personal na nakipag-usap at humingi ng paumanhin ang mga opisyales ng nasabing programa at TV network sa alkalde sa opisina nito sa lungsod at ito naman ay tinanggap ng opisyal sampu ng iba pang kasamang mga opisyales ng lungsod. Kung kaya nga’t naayos din naman sa huli ang pagkakamali.
Isang halimbawa lamang po ito at isang pagpapaalala sa ating lahat na lagi nating siguraduhing tama at maayos ang salitang ating sasabihin, susulatin o gagawing skrip para sa ano pa mang palabas upang hindi tayo mapahamak at lalo’t higit ay hindi tayo makasira at makapanakit ng ating kapwa at ng mga nasa paligid natin.
Lessons learned, ika nga po.