SAN MIGUEL, Bulacan—Sugatan ang dalawang barangay tanod sa Barangay Sta. Ines sa bayang ito ng pagbabarilin sila ng hindi pa nakikilalang mga salarin nitong Miyerkules, Pebrero 7 ng gabi.
Kinilala ni Bulacan police director Col. Relly Arnedo ang mga biktima na sina Noli Ramos, 40 at si Pascual Aquino, 62, kapwa residente ng Sitio Balucok at barangay tanod ng Sta. Ines.
Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, ang dalawa ay nag-umpisa ng mag-ronda sa kanilang nasasakupan at habang binabagtas ang nasabing sitio lulan ng kolong-kolong na tricycle bandang alas 6:30 ng gabi ng bigla silang paulalan ng bala ng nga armadong suspects.
Nagtamo ng mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng kanilang katawan ang dalawang biktima at sila ay isinugod sa magkahiwalay na mga ospital. Kasalukuyan pa rin silang nilalapatan ng medical na atensiyon upang maisalba ang kanilang buhay.
Ayon sa ulat ng San Miguel police station, kinakalap nila ang Closed Circuit Television (CCTV) footages sa lugar upang makilala ang mga salarin.
Maaalalang noong isang buwan, isang barangay tanod sa Lungsod ng Meycauayan ang napatay ng mga armadong lalaki na bigla na lang nagpaulan ng bala habang ang biktima at mga kasama nito ay nasa duty nila sa harapan ng kanilang barangay hall. Ganunpaman, ang dalawang armadong salarin ay napatay matapos na gantihan sila ng putok ng mga rumespondeng pulis.
Ayon sa hepe ng pulisya ng Lungsod ng Meycauayan, ganting may kinalaman sa ilegal na droga umano ang tinitingnang motibo sa nasabing insidente matapos na tagumpay na nakahuli ng mga sangkot sa ilegal na droga ang biktima at mga kasama nito, isang linggo ang nakaraan bago ang naturang pag-atake sa barangay hall.
Ayon naman sa hepe ng pulisya ng San Miguel, kasalukuyan pa rin nilang iniimbistegahan ang motibo sa pamamaril.