LUNGSOD NG MALOLOS – “Dapat nating ipagtanggol ang karangalan, pagrespeto at pagpapahalaga sa Watawat ng Pilipinas, sa Pambansang Awit, at iba pang pambansang simbolo, na siyang kumakatawan sa ating pagkabansa at pagkakaiisa bilang isang bansa.”
Ito ang mensahe ni Gobernador Daniel R. Fernando sa isinagawang Lingguhang Pagtataas ng Watawat alinsunod sa komemorasyon ng mga Araw ng Pambansang Watawat na may temang “Kalayaan. Kinabukasan. Kasaysayan” bilang simula ng pagdiriwang ng ika-125 Anibersaryo ng Proklamasyon ng Kalayaan ng Pilipinas mula Mayo 28 hanggang Hunyo 12, 2023 na ginanap sa harap ng gusali ng Kapitolyo dito kaninang umaga.
Sinamahan si Fernando ng mga opisyal ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan kabilang sina Bise Gob. Alexis C. Castro, mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan, at mga pinuno ng tanggapan at mga kawani.
Kinuha rin niya ang pagkakataon upang paalalahanan ang mga Bulakenyo, lalo na ang mga lingkod-bayan, na maging karapat-dapat sa simbolo ng Pambansang Watawat bilang isa sa walong sinag ng araw na kumakatawan sa unang mga lalawigan na lumaban upang makamit ang kalayaan ng bansa.
“Ipinagmamalaki rin natin na sa bandilang ito ay may permanenteng puwang ang dakilang Lalawigan ng Bulacan bilang isa sa walong lalawigang unang nag-aklas sa pananakop ng mga dayuhan,” anang gobernador.
Ang Watawat ng Pilipinas ay unang ibinandila noong administrasyon ni dating Pangulong Emilio Aguinaldo noong 1898 sa Cavite.
Ang pagdiriwang ay alinsunod sa Presidential Proclamation No. 374 na nilagdaan ni dating Pangulong Diosdado Macapagal na nagdeklara sa ika-28 ng Mayo bilang Pambansang Araw ng Watawat sa Pilipinas, at pinagtibay ni dating Pangulong Fidel Ramos sa pamamagitan ng kaniyang Executive Order No. 179, na nagpapahaba sa pagdiriwang mula ika-28 ng Mayo hanggang ika-12 ng Hunyo na tinaguriang “Flag Days”, bilang paggunita ng Araw ng Kalayaan ng Pilipinas.