Lugar kung saan natagpuan ang katawan ng biktima. Larawan mula sa Bustos police

BUSTOS, Bulacan- Kinilala na ng pulisya ngayong araw ng Linggo ang natagpuang patay matapos maiulat na nawawalang kinse anyos na dalagita sa isang madamong lugar ng Plaridel Bypass sa bayang ito.

Ayon kay Col. Leopoldo Estorque Jr., hepe ng Bustos police, ang dalaga ay pinaniniwalaang pinatay sa ibang lugar at doon lamang itinapon ang katawan sa madamong lugar sa gilid ng Bypass road. Natagpuan ang kanyang bangkay noong Biyernes ng umaga matapos itawag ng ilang motorista at concerned citizen sa kanilang tanggapan.

Sa inisyal na imbestigasyon, ayon kay Estorque ay walang tama ng bala o saksak ang katawan ng biktima.

Ang biktima na isa umanong sikat na ‘bike rider’ at kabilang sa bike rider’s groups sa Bulacan ay hindi dinala ang kanyang bike nang siya ay umalis ng kanilang bahay sa Towerville subd. Barangay Graceville ng Siyudad ng San Jose del Monte noong Miyerkules.

Nagpaalam daw ang biktima na makikipagkita sa ilang mga kaibigan nito, ayon sa mga kaanak nito, subalit hindi na nga ito nakauwi hanggang sa iniulat na nila ang pagkawala nito.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya at Inaantabayanan pa ang resulta ng autopsy upang matukoy ang dahilan ng pagkamatay ng biktima at kung sino ang mga suspect sa krimen na ito.