PLARIDEL, Bulacan–Mag-aagawan ang mga primyadong state universities sa Nueva Ecija, Pampanga at Bulacan sa pagtatayo ng kauna-unahang public school of medicine sa buong Central Luzon sa ilalim ng Doctor Para sa Bayan law na ipinapatupad ngayon.
Ayon kay Senator Joel Villanueva, author ng nasabing batas, ang Nueva Ecija State University, ang Bulacan State University at isang pampubliko ring unibersidad sa Pampanga ang nagpahayag sa kanya ng interest na magtayo at magbukas ng kauna-unahang public school college of medicine sa buong rehiyon.
Pinaalalahanan niya ang mga opisyales ng nasabing mga unibersidad na first come first served ang iiral na sistema kung alin sa kanila ang siyang makikinabang sa P1.2-Bilyon na nakalaan sa proyekto sa ilalim ng nasabing batas.
Ayon sa senador, nakasaad sa Doctor Para sa Bayan law na sa taong 2025 ay dapat mayroon ng isang public school college of medicine ang lahat ng rehiyon sa bansa.
Aniya, kausap niya ang mga academe officials noong isang linggo at nagpahayag ito ng marubdob na hangarin na makapagtayo ng school of medicine sa kanilang lalawigan. Ganoon din umano ang mga taga Pampanga na nakausap din niya kamakailan.
Ayon naman kay Bulacan State University Cecilia Gascon, Ph. D., nasa medium term development nila ang pagtatayo ng college of medicine sa Malolos Campus nito.
Sa ngayon ay itinatayo na ang college of medicine sa Cebu Normal University sa Visayas at sa University of Southern Philippines Mindanao sa ilalim ng nasabing P1.2-Bilyong pondo.
Ayon kay Villanueva, bago pa aniya maipanukala at hanggang sa pumasa ang nasabing Doctor Para sa Bayan law ay naka-apply na sa Commission on Higher Education (CHED) ang papeles para itayo sa 2 unibersidad ang kani-kanilang college of medicines.
Dahil sa COVID-19 pandemic na kumitil ng maraming buhay ng ating mga kababayan simula pa ng una itong manalasa sa bansa noong isang taon ay nakita ni Villanueva ang kahalagahan ng mga doctor sa bawat lalawigan kaya agad niyang ipinanukala na dapat magkaroon ng maraming eskuwelahan ng gobyerno para sa mga kabataang gustong mag doctor.
Pinangunahan ni Villanueva ang pasinaya sa bagong gawang Plaridel municipal health center sa Bayan ng Plaridel nitong Sabado na tutugon sa mga pangangailangang medical ng mga residente lalo na ngayong panahon ng pandemya.
Ang pagamutang bayan na pinangalanang Mayor Alfonso Reyes Sr. Memorial Health Center, ipinangalan sa namayapang dating punong-bayan Alfonso Reyes Sr. ay isang maituturing na malaking medical and health facility sa bayang ito na makakatuwang ng Bulacan Medical Center (BMC) Extension o Plaridel Infirmary sa pag-gagamot sa mga residenteng nangangailangan ng medical attention, ayon kay Mayor Anastacia Vistan..
Ayon kay Villanueva, tinulungan niyang mabilis na mapondohan ng P10-Milyong halaga ang proyekto upang kaagad na malapatan ng lunas ang mga mamamayan ng Plaridel na dumaranas ng sakit at hindi na kailangan pang dalin sa BMC o sa pribadong lugar sa ibang bayan o maging sa labas ng Bulacan lalo na ngayong panahon ng COVID-19 pandemic.
Sinimulan ang proyekto noon lamang pandemic noong isang taon at agad na rin itong natapos nito ngang Hulyo.
Pinasalamatan ni Gob. Daniel Fernando si Senador Villanueva sa patuloy na pagmamahal sa mga kalalawigan. Aniya, ang health center na ito ay isang malaking pasilidad na isa na namang mahusay na paglilingkod-bayan ng kasalukuyang mga nanunungkulan sa pangununa ni Senador Villanueva, Mayor Vistan, kasama ang dating Mayor Jocell Vistan at gayundin ang iba pang mga lokal na opisyales ng Bayan ng Plairdel para sa mga mamamayan ng nasabing bayan.