Bulacan Gov. Daniel Fernando. Photo from his Facebook account
Bulacan Gov. Daniel Fernando. Photo from his Facebook account

LUNGSOD NG MALOLOS–Mahigpit na binigyang tagubilin ni Gob. Daniel Fernando ang mga punongbayan sa mga lungsod at bayan sa lalawigan na gabayan ang kanilang mga nasasakupan para sa isang ligtas na pisikal na pagbabalik-eskwela. Kabilang dito ang patuloy na pag-amuki sa mga magulang na pabakunahan ang kanilang mga anak upang may dagdag na proteksiyon laban sa COVID-19. 

Ito ang pahayag ng gobernador sa pagbubukas ng klase nitong Lunes.

“Bagaman hindi compulsory, taimtim din ang ating hangarin na makapagpabakuna ang mga mag-aaral upang mabigyan sila ng karagdang proteksyon laban sa COVID-19. Patuloy ang pagbabakuna sa ating mga vaccination site at tuluy-tuloy rin ang ating kampanya upang maipabatid ang mga benepisyo na dulot nito,” 

Mahigpit din ang direktibang ibinaba ng gobernador na palagiang pagbabantay sa pagsunod sa mga umiiral na health protocols tulad ng pagsusuot ng face mask, pagpapanatili ng physical distancing, palagiang paghuhugas ng kamay, at maayos na bentilasyon upang patuloy na makapag-ingat sa banta ng nakakahawang virus ang mga bata.

Ayon sa gobernador, batid niya ang pangamba ng mga magulang sa muling pagsisimula ng face-to-face na klase kaya naman bilang Ama ng Lalawigan, ay nais niyang siguruhin sa mga ito na gagawin niya ang lahat, katuwang ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan at sektor ng lipunan, upang tutukan ang kaligtasan ng kanilang mga anak sa pagtuntong nila sa paaralan.

“Bagaman nariyan pa rin ang panganib na dulot ng COVID-19, dengue at iba pang sakit na maaaring makaapekto sa ating mga mag-aaral, maraming pag-aaral ang nagpapatunay na mahalaga ang pisikal na pagbabalik-eskwela para mapaunlad ang social skills at tuluy-tuloy na pagkatuto ng mga estudyante,” pahayag ng gobernador. 

Kaya naman umano malugod niyang sinusuportahan ang mahalagang hakbangin ni Pangalawang Pangulong Sara Duterte ba siyang Kalihim ng Department of Education at gayundin ang Department of Interior and Local Government tungo sa ligtas na pagbabalik ng mga mag-aaral sa kanilang natural na kapaligiran, ang harapang pagkatuto kasama ang kanilang mga guro at kamag-aral.

Ayon sa Department of Education Order No. 034, series of 2022 na inilabas noong Hulyo 11, 2022 ng Pangalawang Pangulo at DepEd Secretary Duterte, pormal na magbubukas ang Taong Pamparaalan 2022-2023 noong Agosto 22, 2022 at matatapos sa Hulyo 7, 2023.

Gayundin, noong Hulyo 28, 2022, inilabas ni DILG Atty. Benjamin C. Abalos, Jr. ang Memorandum Circular No. 2022-098 o ang “Guidelines for LGUs and Others Concerned on the Opening of School Year 2022-2023 and the Commencement of Face-to-Face Classes”.

“Sa huli, itaas natin sa ating Panginoon ang kaligtasan at katagumpayan ng mahalagang gawaing ito,” dagdag pa ng gobernador.