RICHARD “KUYA PONYONG” D. GLIPONEO
Marcelo H. Del Pilar National High School
Sa patuloy na pagtaas ng presyo ng bilihin, patuloy din ang pagdami ng bilang ng mga walang trabaho dahil sa pandemya. Tinatayang nasa tatlong milyong Pilipino ngayon ang walang trabaho. Marami ang umaasa sa patubuang utang maitawid lamang ang kalam ng sikmura at ang pangunahing pangangailangan ng pamilya.
Kaya ang tulad ko ay mapalad sapagkat bukod sa marangal na hanapbuhay ang pagiging janitor, matagal ko na itong hanapbuhay na siyang nagtaguyod sa aking pamilya. Bagama’t pandemya, ay patuloy pa rin akong nakapaghanapbuhay para sa aking pamilya.
Mayroon mang mga industriya na kasalukuyang nagbubukas dahil sa pinaluwag na community quarantine, skeletal naman ang sistema ng pagpapapasok nito. Ibig sabihin, hindi lahat ay pinapayagang pumasok ng pisikal sa pinagtatrabahuhan kung kaya’t nauso ang salitang “work from home.”
Ngunit, paano naman ang mga ordinaryong mangagawa tulad ng janitor, factory worker, security guard, tindera at iba pang hindi naman di-kurbata ang damit?
Hindi rin naman masisisi ang industriya ng iba’t ibang produksyon ng pagkain dahil sa nais rin nilang makabawi mula sa pagkalugi dulot ng pandemya. Ngunit sana’y gumawa ng aksyon ang pamahalaan upang sila’y matulungan nang hindi sa kustomer nila bumabawi upang makaahon sa pagkalugi.
Ito’y isang babala na din para sa ating mga Pilipino na ngayong darating na eleksyon, huwag tayong mabulag sa perang itatapat upang presyuhan ang ating boto. Ang nangyaring pagkagutom at paghihirap natin dahil sa krisis dulot ng COVID 19 ay paalala na maghalal tayo ng lider na may kahandaan. Mga magsusulong ng batas na may plano upang hindi na muling maulit pa ang ganitong pangyayari dahil sa hindi naging handa ang gobyerno sa krisis na darating.