Inaasahang ang mas mabuting serbisyo ng gobyerno para sa mga overseas Filipino workers sa pagtataguyod ng Department of Migrant Workers ngayong napirmahan na ang batas Huwebes ng umaga, ayon kay Senator Joel Villanueva.
Ani Villanueva, ilalagay na sa isang bubong ang iba’t ibang mga ahensyang naglilingkod sa pangangailangan ng mga OFW sa pagtatatag ng kagawaran sa bisa ng Republic Act No. 11641.
“Ito pong bagong itatatag na kagawaran ang magsisilbing bahay ng ating mga overseas Filipino workers na tinagurian nating modern-day heroes,” ayon kay Villanueva, chairman ng Senate labor committee na nanguna sa pagbalangkas at pagdepensa sa Senate Bill No. 2234. Nagpasyang ang Kamara na i-adopt ang panukala bago mag-adjourn ang Kongreso nitong Disyembre kaya napabilis ang pagsasabatas nito.
“Ngayong araw, tinupad po natin ang ating pangako sa mga kababayan nating OFW na mabigyan sila ng maayos na pagtrato. Gusto po natin bigyan ng hero’s treatment ang ating mga OFW na nagsasakripisyo para tulungan ang ating ekonomiya, at kanilang mga pamilya na nawawalay sa kanilang mahal sa buhay,” dagdag pa ni Villanueva.
Ayon sa mambabatas, binalangkas ang RA No. 11461 gamit ang iba’t ibang mga karanasan ng mga OFWs na nakapanayam ng komite sa mga consultation meetings, committee hearings, technical working group sessions, at iba pang mga pulong na naganap.
“Matagal na panahon nang dumadaing ang ating mga kababayang OFW sa mga problemang kanilang kinakaharap: mga illegal recruiter at fixer, abusadong employer, kakulangan sa reintegration, at marami pang iba. Hindi po naging madali ang trabaho para itaguyod ang bahay ng ating mga OFWs, ngunit ang ating pinagsama-samang determinasyon ang naging susi sa matagumpay nagpagbabalangkas at pagsasabatas ng RA No. 11641,” ani Villanueva.
Nagpasalamat si Villanueva sa Pangulo at sa mga miyembro ng Kongreso na nakaagapay ng mambabatas sa pagbalangkas ng panukala.
“Nagpapasalamat rin po tayo sa lahat ng mga OFWs na ating kinonsulta at nagbigay ng kani-kanilang mga karanasan na nagsilbing gabay sa matagumpay na pagbalangkas ng panukalang batas,” aniya.
“Ngayong napirmahan na ang batas, kailangan po nating bantayan ang implementasyon nito para masiguro nating tatalima ito sa diwa ng batas: ang magbigay ng maayos na serbisyo sa ating mga OFWs,” dagdag pa ni Villanueva.
“Higit sa lahat, ang DMW ay makikipagtulungan sa iba pang mga ahensya ng gobyerno upang lumikha ng trabaho dito sa ating bansa. Migration for work will always be an individual’s choice and not a necessity,” ayon kay Villanueva.