LUNGSOD NG MALOLOS– Kasabay ng ika-25 taong anibersaryo ng Sining Kalinangan ng Bulacan (Singkaban) Festival at katulad ng tinuran ni Bise Gob. Alex Castro, umindak na nga muli ngayong taon ang lalawigan ng Bulacan sa pagbabalik ng naturang selebrasyon na tinaguriang “Mother of All Fiestas” matapos natigil ito dahil sa pandemya ng COVID-19 noong 2020 at 2021.
Sunod sa tradisyon ng Singkaban Festival, binuksan ito kahapon Setyembre 8 sa harap ng gusali ng Kapitolyo. Sa pangunguna ni Gob. Daniel Fernando, isang misa ang inialay bilang pasasalamat sa buong taong biyaya at pagpapala sa lalawigan lalo na nga mula sa katatapos lang na pandemya na gumapi sa buong daigdig. Gayundin, naging entablado ng mga talento at nag-gagandahang mga dilag at ginoo mula sa Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan, mga Lungsod ng Malolos at Meycauayan at mga bayan ng Bocaue, Bulakan, Guiguinto, Hagonoy, Pandi, Paombong, Santa Maria at San Rafael ang harapan ng Capitolyo nang pumasok na ang kani-kanilang mga karosa para sa “Parada ng mga Karosa”.
Sa temang “Patuloy na Pagsikhay Tungo sa Tagumpay,” ang Singkaban Festival sa taong ito ay binuksan ni Castro ang palatuntunan at kanya ngang tinuran na umindak muli, ngumiti muli ang mga puso ng mga mamamayan ng lalawigan at sumigla ang mga damdamin dahil nakabalik na ang Mother of All Fiestas.
Inisa-isang kinilala ni Fernando ang lahat ng mga sector na dumating at nakiisa kabilang ang Girls Scout of the Philippines, ang nabubuhay pang war vetarans at kaanak nito dahil sa kabila na ang mga ito ay senior citizens ay nakiisa at dumalo sa muling pagpapasigla ng lalawigan.
Ipinagmalaki ng gobernador na ang Mother of All Fiestas ng lalawigan ay nasa-ika 25 ng taon ngayon simula ng ito ay umpisahan noong 1997 sa panahon ni dating Gob. Roberto M. Pagdanganan.
Nanawagan ang gobernador sa kanyang mga kalalawigan na huwag kalimutan bagkus ay ipagpatuloy ang pamana ng Singkaban Festival sa pamamagitan ng pagsuporta sa isang linggong mga aktibidad na inilaan para ipagbunyi ang mayamang kultura at kalinangan ng Bulacan.
“Kapit-bisig tayo sa pagpapayabong ng pamanang ito na nananaig sa gitna ng anumang hamon at nagpapatuloy sa bawat yugto ng kasaysayan ng ating lalawigan,” anang gobernador.
Ayon sa People’s Governor, ipinagmamalaki ang Bulacan bilang lalawigan na may pinakamaraming pambansang alagad ng sining sa halos lahat ng kategorya. Tinuran ng gobernador ang lahat ng mga bayani at yaman ng lahi, kultura at kalinangan ng lalawigan na dapat aniyang ipagmalaki ng bawat isang Bulakenyo.
“Ito ang ating lahi. Ito ang ating pamana. Tandaan po natin na ang Bulacan ay dakilang lalawigan na karapat-dapat sa ating matapat na pagmamahal,” ani Fernando.
Ibinahagi rin niya na kanyang ilulunsad ang Dulaang Filipino, isa sa kanyang mga prayoridad na proyekto bilang isang aktor sa telebisyon at teatro, na naglalayong tumuklas ng mga bagong artista at aktor.
“Hangad ko po na manatiling buhay ang tunay na diwa ng Singkaban, ang kalinangan at kabutihan ng isang tunay na Bulakenyo,” aniya.
Saludo naman sa mga Bulakenyo ang Kalihim ng Kagawaran ng Turismo Maria Esperanza Christina Garcia Frasco na kinatawan ni Undersecretary Ferdinand “Cocoy” Jumapao dahil sa kanilang katatagan sa kabila ng mga hamon na dala ng pandemya.
“Sa lahat ng pinagdaanan natin, lalo na dahil sa pandemya, nakakataba ng puso makita kayong mga Bulakenyo na nagkakaisa para ipagpatuloy ang mayamang tradisyon ng Bulacan,” ani Jumapao.
Siniguro rin niya sa mga Bulakenyo na kaisa nito ang kagawaran ng turismo sa pagpapalago ng katangi-tanging natatagong destinasyon sa lalawigan.
“Isa sa mga prayoridad ng DOT under Sec. Frasco ang pantay-pantay na pagpapaunlad ng destinasyon, higit lalo doon sa mga natatagong yaman at tanawin. Makakaasa kayo na hindi makakalimutan ng DOT ang Bulacan lalo na at isa ito sa mga kaakit-akit na lugar na may natatanging potensyal sa daigdig ng ekonomiya,” dagdag ng undersecretary.