Nina Carmela Reyes-Estrope at Mac Eleogo
LUNGSOD NG MALOLOS–Nasa 44 farmer’s cooperatives and groups kabilang ang ilang LGU’s sa lalawigan ang tumanggap ng 57 Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) Farm Machineries sa ilalim ng Rice Trariffication Law upang tulungan ang mga magsasaka na mapalakas ang mga pananim at mga ani nito.
Pinangunahan ni Gob. Daniel Fernando ang pagtanggap sa mga ito kasama pa ang 26 Four-wheel Tractors, 18 Rice Combine Harvesters, 5 Hand Tractors, 3 Riding-type Transplanters, 2 Rice Reapers, 2 Rice Threshers, and 1 PTO Driven Disc Plow/Harrow mula kina Deputy Director Engr. Don David Julian ng Department of Agriculture-PhilMech at representatives ni Sec. William Dar, Regional Executive Director Crispulo Bautista, Jr. ng DAR Region 3 at Mrs. Leony Marquez mula sa opisina ni Senator Cynthia Villar kahapon ng umaga sa Capitol Gym.
Kasama din ni Gob. Fernando na tinanggap ang nasabing mga ayudang kagamitan sa pagsasaka sina Bulacan Third and Second District Congressmen Lorna Silverio at Gavini Pancho.
Ayon kay Fernando and mga ipinamigay na kagamitan ay hindi lamang tutulong mapataas ang produksiyon at ani ng mga magsasaka sa Bulacan kundi isang malaking pagpaparamdam ng patuloy na malakas na kalinga at suporta ng pamahalaan sa industriya ng sakahan.
Aniya, ang programa ay malaking katuwang ng kanyang kasalukuyang proyekto na pagtatayo ng Bulacan Agriculture Farmers Training Center sa Capitolyo upang lalong matulungan at maturuan ang mga magsasaka maging kanilang mga anak ng mga bagong approaches and techniques sa sakahan at upang lalo pang palakasin ang agriculture entrepreneurship sa lalawigan.
Paliwanag ng gobernador, dahil sa pandemya ng COVID-19, muling napaalala sa ating lahat ang kahalagahan ng pagkain sa ating bakuran, tulad ng bigas, gulay at paghahayupan at marami ang mga industriya at hanapbuhay na umusbong na may kinalaman sa agrikultura at pagkain.
Kaya naman, aniya ay dapat itong lalong palakasin kahit pa matapos na ang pandemya sapagkat nakapagbibigay ito ng maraming hanapbuhay bukod pa sa seguridad sa pagkain ng mga pamilyang Bulakenyo.
Pagkatapos ng Bulacan Agriculture and Farmer’s Training Center ay itatayo din ang Bulacan Animal Breeding and Multiplier Center sa DRT, dagdag pa ng gobernador.
Ang Rice Tariffication Law ay naglalayon na palakasin ang food security sa bansa at gawin itong globally competitive.
Ang RCEF ay may P10 billion annual fund para sa susunod na anim na taon kabilang ang nasabing Mechanization Program.