Ni Shane F. Velasco
SAN RAFAEL, Bulacan (PIA) – Umabot na sa bahagi ng San Rafael ang konstruksiyon ng bagong dalawang linya na southbound lanes ng Plaridel Bypass Road.
Ayon kay Department of Public Works and Highways (DPWH)-Central Luzon Regional Director Rosseler Tolentino, target matapos sa Enero 2023 ang unang pitong kilometro mula sa San Rafael hanggang sa Bustos na ngayo’y nasa 47.8% na ang nagagawa.
Nauna nang natapos ang 1.2 kilometrong second viaduct na tumatawid sa Angat River na nasa hangganan ng San Rafael at Bustos. Bahagi ang second viaduct na bumabaybay sa magiging bagong southbound lanes nitong Plaridel Bypass. Tapos na rin ang bagong dalawang linya sa bahagi ng Bustos na idudugtong sa ginagawang Bustos Flyover.
Layunin ng proyekto na makapagpadaan nang mas marami pang mga sasakyan sa kabuuan ng 24.61 kilometrong Plaridel Bypass Road.
Kapag natapos ang bagong southbound lanes, o ang partikular na dalawang linya mula sa San Rafael hanggang sa Balagtas Exit ng North Luzon Expressway (NLEX), ang kasalukuyang salubungan na Plaridel Bypass Road ay magiging northbound lanes na.
Ibig sabihin, magkakaroon ng partikular na dalawang linya mula sa Balagtas Exit ng NLEX papuntang San Rafael. Tinatayang makukumpleto ang proyekto sa susunod na dalawang taon. Nagsisilbing bagong alternatibong daan ito ng mga motorista mula sa NLEX na patungo sa hilagang-silangang bahagi ng Bulacan at maging sa Nueva Ecija.
Pinondohan ito ng P4.3 bilyong Official Development Assistance (ODA) ng Japan International Cooperation Agency (JICA). Resulta ito ng ikalawang official visit sa Japan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte noong Oktubre 2017 bilang suporta sa Build-Build-Build Infrastructure Program. (SFV/PIA-3/BULACAN)