GAPAN CITY–Dagdag na mga traktora para sa mga magsasaka sa lungsod na ito at sa buong distrito 4 ng Nueva Ecija ang ipapamahagi ni Congressman-elect Emerson “Emeng” Pascual pag-upo niya sa Hulyo.
Hindi lamang iyon, kundi libre rin ang gasolina o krudo na gamit ng magsasaka para sa mga traktora.
Nauna ng nagpahiram ang Pamahalaang Lungsod ng Gapan ng 50 traktora sa mga magsasaka sa kanilang lugar sa ilalim ng programa ni Mayor Emeng na all out na pagtulong at suporta para sa hanay ng mga manananim ng palay.
Bukod sa Lungsod ng Gapan, tatanggap na rin ng 50 traktora ang mga magsasaka sa Bayan ng Cabiao, General Tinio, Jaen, Peñaranda, San Antonio, San Isidro at San Leonardo. Makakatanggap din ng libreng krudo at gasolina ang mga magsasaka sa pitong bayang ito.
Ang programang ito ayon kay Pascual ay bahagi ng kanyang pangako noong panahon ng kampanya na ang maganda at kapaki-pakinabang niyang mga proyekto sa mga magsasaka ay palalawakin pa niya.
Dagdag dito ang libre ring supply ng binhi, harvester at iba pang pangangailangan ng mga magsasaka.
“Ang gusto ko ay magsawa ang mga mamamayan at mga magsasaka sa mukha ko bilang kanilang congressman dahil sa mga programa at proyektong ating ibinababa at hindi iyong tuwing eleksiyon lang tayo makikita ng ating mga kababayan,” pahayag ni Pascual sa media.
Sa Gapan at sa buong Distrito 4 ay itutuloy niya at ng nanalong kapatid, bagong Mayor Joy Pascual ang libreng dialysis center, scholarship at support program sa mga mag-aaral at lalo na ang libreng pagpapagamot sa ospital.
Ayon kay Pascual, ang mga proyektong kanyang inumpisahan sa Lungsod ng Gapan at ipagpapatuloy ng kanyang kapatid at kanya ring gagawin sa buong Distrito 4 hindi na maaring matigil sapagkat matapos man ang kanilang termino ay hahanapin ito ng mga tao.
“Masaya kami ng aking kapatid na mapagtutulungan namin ang ibayo pang paglilingkod sa ating lungsod at sa buong distrito 4 at ang mga programang aming ipagkalaloob ay magiging legacy ng aming panunungkulan,” pahabol pa ng alkaldeng uupong congressman.
Ikinagulat ng mga mamamahayag mula sa Central Luzon Media Association (CLMA) na dumayo kay Pascual sa city hall upang siya ay kapanayamin ang nakitang halos 1,000 mga residente na humihingi ng tulong sa alkalde. Sa kabila ng hindi mahulugan ng karayom na dami ng mga tao, tinawag at pinapasok pa lahat sa loob upang kanya ring mabigyan ng tulong.
Ayon kay Carmela Reyes-Estrope, pangulo ng CLMA, kung sa maraming bayan ay halos magtago ang mga mayors sa mga residenteng humihingi ng tulong, si Mayor Emeng ay kakaiba sa lahat dahil ang marami pang nasa labas ng munisipyo ay kanyang tinawag upang handugan din ng tulong.