LUNGSOD NG MALOLOS–Napili bilang “Huwarang Palengke” ang palengke ng Bayan ng Pulilan na pinaka tapat sa mga paninda at mamimili at may maayos at malinis na sistema partikular ngayong panahon ng pandemya sa “Huwarang Palengke” 2021 Search ng Department of Trade and Industry (DTI).
Ang award ay sa small public market category. Pinangalawahan ito ng public market ng Bayan ng San ildefonso at pangatlo ang palengke ng Bayan ng San Rafael.
Sa big category naman ay ang Baliwag ang siyang nakitang may pinakamahusay na sistema lalo na sa kaligtasan ng mga mamimili sa panahon ng pandemya.
Pangalawa dito ang Siyudad ng Malolos at ang pangatlo ay ang Bayan ng San Miguel.
Ayon kay DTI Bulacan Director Edna Dizon, halos ay nasa sampu lamang ang lumahok sa patimpalak ng Huwarang Palengke ngayong taon dahil sa pandemya.
Ganunpaman ay talagang deserving aniya ang mga nanalo.
Simula sa isang taon ay gagawin na ng DTI na maging isang requirement ang paglahok upang lalo itong maging inspirasyon na mapataas ang antas ng pamamalakad sa mga pamilihang bayan sa ikakapakinabang ng mga stall owners at lalo’t higit ng mga mamimili, upang proteksiyunan sila sa pamamagitan ng mga kalidad at matapat na paninda gayundin ang kalinisan at kanilang kaligtasan lalo na sa panahon ng pandemya.