Nina Anton Catindig at Mac Eleogo
BOCAUE, Bulacan–Ibabalik ang mahusay na paglilingkod sa bayan, bukas-palad sa mga mamamayan at itutuloy ang legacy projects ng namayapang dating alkalde, Mayor Joni Villanueva ang bitbit ng mag-bayaw na dating Mayor Eduardo “JJV’ Villanueva Jr. at dating Citizens Battle Against Corruption (CIBAC) Partylist Rep. Atty Sherwin Tugna sa pamahalaang bayan bilang ama at pangalawang ama ng bayang ito.
Naghain ang dalawa kasama ang kanilang walong mga konsehales–Mira Bautista, Alvin Cotaco, Yboyh Del Rosario, Noriel German, Aries Nieto, Ate J Nieto, Jerome Reyes at Gigi Salonga ng kani-kanilang Certificates of Candidacy (COC) kaninang umaga sa Comelec office ng bayang ito.
Ayon sa mag-bayaw, ang laban nila ay laban ng yumao nilang mahal sa buhay na si Mayor Joni.
Iginiit ni Villanueva, panganay na kuya ng pumanaw na alkalde na ibabalik niya ang husay, katapatan at dangal sa paglilingkod sa bayang Bocaue na naging pangunahin nilang panuntunan ng kanyang kapatid sa panahon ng kanilang panunungkulan.
Mataas na kalidad umano sa larangan ng kalusugan, edukasyon, livelihood at iba pang social services kabilang ang ayuda at atensiyong medical lalo na sa panahon ngayon ng pandemya ang karapat umanong nararanasan at tinatamong paglilingkod sa mga mamamayan ng Bocaue.
Bukod sa legacy ito ng kanyang kapatid, ito rin umano ang husay, tapat at may dangal at dignidad na pamumuno sa kanilang bayan na kanya rin mismong isusulong.
Gayundin, hindi mapamili bagkus ay ibabalik nila sa bukas-palad sa lahat ng mamamayan ang uri ng pamumumuno sa munisipyo.
Naumpisahan na anila ni Mayor Joni ang pagkamit sa matagal ng pangarap na pagpapatayo ng sariling ospital ng Bocaue, ang kauna-unahang pampublikong ospital sa Bocaue sa lupang pag-aari ng kanilang pamilya na ipinagkaloob sa kanilang bayan at ito ay kanila umanong pagyayamanin at susundan pa ng iba pang medical and health services para sa kanilang mga mamamayan.
Nakamatayan ng alkalde ang pinasimulan nitong maitayo na nasabing ospital kasama ang diagnostic laboratory sa pamamagitan ng tulong at suporta ng kanilang kapatid na si Senator Joel Villanueva kaya’t pinagpursigihan ng senador na matapos agad ang ospital at ang diagnostic center bilang pagkilala sa namayapang mayor na kapatid.
Mahigit lamang isang buwan pagkatapos mamatay ni Mayor Joni Mayo 28 noong isang taon ay inagurahan na ang Mayor Joni Villanueva Moleculat Laboratory na isa sa pinaka inasahang COVID-19 testing center sa Central Luzon. Pangunahin nitong layuning mapagsilbihan ang mga Bulakenyo at nagawa rin ang proyektong ito sa tulong ni Guiguinto Mayor Ambrosio Cruz Jr.
Hindi nakuntento ang buong pamilya Villanueva, ipinursigi ni Sen. Joel na matapos na rin ang ospital at ipinangalan din ito sa yumaong kapatid bilang Mayor Joni Villanueva Memorial Hospital at binuksan nitong Mayo 28 bilang pag-gunita sa ika-1 taong anibersaryo ng pagkamatay ng alkalde. Ang ospital na ito na extension ng Jose B. Lingad Memorial Regional Hospital na matatagpuan sa Pampanga ay gumagamot ng moderate cases ng COVID-19.
Noong nakaraang linggo ay inagurahan ang P100-Milyon halagang sports oval, bleacher, three storey fifteen classrooms, stage at covered court sa Cong. Erasmo Cruz Memorial Central School na pet project ng yumaong alkalde at pinondohan ni Sen. Joel. Ginawa ang nasabing mga proyekto noong Enero lamang.
Inagurahan din ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary ang Ciudad de Victoria interchange, overpass and road sa bahagi ng North Luzon Expressway na direkta ng pinag-kokonek ang NLEX, ang MacArthur highway at ang Sta. Maria partikular ang Gov. F. Halili Road. Ito rin ay isa sa mga proyektong isinulong ng namayapang alkalde bilang alternate route upang solusyunan ang problema sa trapiko sa lugar.
Pahabol ni Tugna, ang kanilang pamilya ay nakilala rin sa bayang ito na nagbibigay ng lupa para sa proyektong pambayan at nagbebenta ng ari-arian kung kailangan para sa proyektong ukol sa paglilingkod at walang ano mang bahid ng katiwalian at corruption.