LUNGSOD NG MEYCAUAYAN–Sisimulan na ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na gawin at palitan ng bago ang matagal ng idinadaing ng mga motorista at residente na mukha ng bibigay na Tawiran Bridge o kilala din na Marcos Bridge sa bayang ito.
Ang magandang balita, ayon kay DPWH Second District Engineering Office chief George DC Santoa, sa loob ng 8 buwang construction period nito ay may bahagi ang tulay na mananatiling bukas sa trapiko para sa maliliit na sasakyan upang hindi magdulot ng matinding trapiko sa mga motorista at residente.
“Pananatiliin naming bukas ang tulay kahit ginagawa ito at kung kailangan ng gumamit ng malaking equipment ay magsasagawa kami ng traffic management plan upang hindi makapagdulot ng inconvenience sa mga dumadaan sa tulay,” pahayag ng engineer chief.
Ang tulay na dekada na ang edad at pinangalanang Marcos Bridge dahil panahon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos ng maipatayo ay kilala rin bilang Tawiran Bridge. Ito ay nagdudugtong sa Bayan ng Bulakan patungo sa Obando at patungo sa Calooocan, Malabon, Navotas and Valenzuela (Camanava) sa Metro Manila and vise versa patungo naman sa loob na iba pang mga bayan sa Bulacan.
Ayon kay Santos, kinakitaan na ng pagkaluma at halos pagkasira na ang nasabing struktura dahil sa katandaan nito kaya ibinilang na nila ito na isang “poor” structure partikular bilang isang tulay at kailangan ng agarang aksiyon upang ito ay gawin at palitan ng bagi at akma sa latest na mga kalidad ng tulay na ginagawa ng DPWH.
Nakipag-ugnayan na rin ang tanggapan ni Santos sa LGU ng lungsod na ito para sa karampatang traffic enforcement and management plan dahil nga sa inaasahang magiging moderate to heavy traffic na sitwasyon sa lugar dahil sa ginagawang proyekto.
Ayon kay Santos ang mga heavy vehicles tulad ng trucks and trailers ay ire-rerout sa Mac Arthur Highway at hindi na sila papayagang dumaan sa Marcos Bridge kapag nagsinula na ang proyekto. Maglalagay din ng safety road signs and markings sa lugar para ipaalam sa mga motorista ang nasabing ongoing project upang maaga pa ay makapaghanda na sila.
“Batid natin na kailangan nating siguraduhin ang kaligtasan ng ating mga motorista at maging pedestrians kaya naman kapag natapos na ng proyekto at isang bagong kapalit na tulay ang naitayo na ay makakaasa ang lahat ng isang ligtas, maayos na paglalakbay kapag dumaan sa nasabing tulay,” dagdag ni Santos.
Ang proyekto ay nagkakahalaga P300 million at may unang P100 million na gagamitin sa ilalim ng 2022 General Appropriations Act. Ang iba pang budget para nakompleto ang proyekto ay nakasama naman sa 2023 budget.