SIYUDAD NG MALOLOS, Bulacan, Philippines–Pinuri ni Chief PNP Gen. Guillermo Eleazar si Pangulong Duterte bilang the best president sa pagsugpo sa kriminalidad sa bansa dahil sa pag-doble nito sa suweldo ng mga pulis.
Ito ang pahayag ng pinuno ng kapulisan sa bansa kahapon matapos manumpa sa kanya ang mga liders ng Advocacy Support Groups and Multipliers sa Bulacan na magiging katuwang nila sa pagsugpo sa kriminalidad lalo na ang paglaban sa community insurgency sa ilalim ng programa ng gobyerno na End Local Communist and Armed Conflict (ELCAC).
Ayon kay Eleazar, lahat ng naging pangulo ng bansa ay sadyang mabuti at kahanga-hanga ang naging performance kontra kriminalidad sa bansa subalit iba umano ang ginawa ni Pangulong Duterte sapagkat ang pag-doble nito sa kanilang suweldo ay isang malaking hakbang upang lalong pagbutihin ng mga alagad ng batas ang kanilang trabaho.
“Ako po ay buhay na saksi na during this administration, nakita natin ang suporta sa ating kapulisan. In my 35 years in police service, lahat naman ng nagdaang mga pangulo ay sumuporta sa kapulisan pero ang doblehin ang suweldo ng mga pulis at iba pang members of our security to help invest in the security force para sa pagtaguyod ng peace and order para sa economic development,” pahayag ni Chief PNP.
Matatandaang ginawang priority ni Pangulong Duterte na itaas ang suweldo ng mga pulis pag-upo nito noong 2016 bilang isang paraan upang magtagumpay laban sa kriminalidad at insurgency kabilang ang terorismo.
Ang malaking tiwala at pagkakataon umano na ibinigay ng administrasyon sa kanila ang siyang hamon na kanilang kinakaharap ngayon kung kaya’t kailagan nila ang tulong at suporta ng mamamayan sa pamamagitan ng Advocacy Support Groups and Multiplier upang sila ay magtagumpay sa pagsugpo sa krimen, droga, remnants of insurgency and terrorism at cyber crime.
Ani Eleazar, ang mga sektor ng barangay officials, barangay peace and order, Lesbian, Bisexual, Gay and Transgender (LGBT), grupo ng kababaihan, mga kabataan, traffic enforcers and radio groups at iba pa ay siya nilang conduit at partners down the ground sa pagtupad nila sa mga nabanggit nilang tungkulin.
Nagpasalamat si Gob. Daniel Fernando na dumalo rin sa programa sa mga lider ng nasabing sektor sa kanilang pakikiisa sa pamahalaan sa laban ng Bulacan para mapanatili ang magandang katayuan ng peace and order sa lalawigan dahil higit kailanman ay ngayon dapat lalong magkaisa ang mga Bulakenyo dahil sa malalaking economic development sa probinsiya na magbibigay ng hanapbuhay at ibayo pang progreso sa mga mamamayan at komunidad unang una na ang New Manila International Airport sa Bayan ng Bulakan.
Nanumpa rin ang nasabing mg sector partners kina Gob. Fernando, Region 3 Police Director Brig. Gen. Valeriano De Leon at Bulacan Police Director Col. Lawrence Cajipe.